Monday, January 26, 2009

FW: Impt basahin nyo ito!!

Hehe. Joke lang yung title, tungkol ito sa e-chain letters. Maglalabas lang ako ng hinanakit tungkol dito.

No offense sa mga mahilig magforward ng mga e-chain letters(Hindi ko alam kung biktima kayo ng mga pananakot o sadyang marami kayong oras para magforward nang magforward ng mga chain letters) pero bwisit na bwisit talaga ako tuwing nakatatanggap ako nito.

Sa maraming mukha at paraan sumasakatawan ang isang e-chain letter:

1. May mga titulong nakaka-curious gaya ng “Guys, pupunta na akong Afghanistan”, “Tingnan nyo ang sex scandal ni celebrity1 at celebrity2 ” o di kaya “importante:basahin niyo ‘to” tapos pagbukas mo, BULAGA! Pagbabantaan kang uubusin ang buong lahi nyo at wala silang pinipili. Mula sa nanay mo, tatay mo, mga kapatid hanggang sa kanunu-nunuan at kaapu-apuhan mo. Shet. Sino bang hindi matatakot nyan?! At kung sinuman ang nagsimula nun, malamang ulilang ulilang lubos na siya na tipong kahit pagbantaang patayin ang sangkatauhan, sa kanya, walang kawalan.

2. Meron din naming ipapangako sa iyo lahat ng kayamanan sa mundo. Pero bago yun ikukuwento muna ang pinanggalingan ng e-chain letter na ikagugulat mo kasi sa sobrang tanda na ng e-chain letter di pa naimbento ang computer eh di lalo na ang internet. Ang catch nga lang ay ito’y under time pressure. Syempre, matataranta ka nang i-forward ito. Sino bang ayaw ng grasya? Ano nga namang mawawala sa iyo bukod sa oras at dagdag na kalyo kapipindot ng mouse at keyboard.

3. Combo ng 1 at 2. Susuwertehin ka o mamalasin ka dahil sa pagbukas mo ng e-chain letter na ito. Ika nga sa Psychology, reward and punishment. Pero dito kung di ka bibiyayaan, paparusahan ka sa pagsumpa sa iyo. Siguro hybrid chain letter na ito. At kung sino mang nagpauso nito, malamang fan talaga siya ng chain letters.

4. Huli, ay tungkol kay Lord. Isang makapagbagbag-damdaming kuwento ang simula nito. Isang kuwento ng pagpapakumbaba, kapangyarihan ng dasal, pakikipagkapwa-tao o di kaya mula sa Bibliya. Eto yung e-chain letter na mapapadasal ka at mapagsisi sa mga kasalanan, wag lang darating sa huli. Kasi required ipasa. Di pa makukuntento kokonsensyahin ka pa na kesyo kapag jokes ipinapasa mo pero pag tungkol kay Lord, hindi. Hindi sa minamasama ko ang mga e-chain letters tungkol kay Lord pero hindi naman ang hindi pagforward ng mga ganitong letters ang tanging basihan ng paniniwala mo sa Kanya. Nakakalungkot nga na kailangan pang magkaroon ng mga ganitong propaganda para matakot ka sa Diyos. Para sa akin, pathetic. Hindi rin naman siguro gusto ni Lord na maging close lang tayo sa kanya through internet. Hanggang pananampalataya ba naman, through text messages at e-mail tayo?? Sa katunayan nga, may mga alagad ng simbahan na tahasang tinututulan ang paraang ito ng pagkakalat ng salita ng Diyos o ng pananampalataya. Gaya na lamang nitong e-mail na ito na ipinadala sa akin ng aking ama:

I'm Fr. Bob McConaghy of Greenbelt chapel ( Philippines ). I just want to make the point that the Catholic Church is opposed to spiritual chain letters, especially those that are rooted in the "gospel of prosperity" or God wants to make you rich and will do so if you forward such emails to 7, 12, 15 or as many names you have in your address book. It's idolatrous baloney. It claims legitimate devotion to Jesus, Mary, and or saints and frightens people to believe that if they don't send the letters something bad will happen to them.

I beg you please not to spread these messages anymore.

I've heard enough confessions in my 32 years to know how these letters fool and frighten people and give them a false image of Our Lady, not to mention that it encourages idolatry and a magical approach to religion. I am sure you were not aware of this and mean no ill will. There is no sin here on your part, you want good things for people and that is noble.

In all humility I would ask you to forward this note to others.

In Christ,

Fr. Bob McConaghy


Hindi naman ako magpapapakahipokrita na hindi ko ito ginagawa. Naglalagay pa nga ako ng note minsan sa umpisa na “Sorry guys, mahal ko lang talaga ang nanay ko” o di kaya “sorry ayaw ko lang malasin sa loob ng sampung taon.” Dumating pa nga ang panahong kapag minamalas ako, iniisip kong dahil ito sa di ko pagpasa ng isang chain letter na nabasa ko. Pero tapos na ang mga panahong magpapagoyo ako sa mga e-chain letters na ito. Isipin mo, para makaligtas ka sa kamalasan o para suwertehin ka gaya ng ipinangako ng mga e-chain letters na ito, nandadamay ka pa ng mga nananahimik na tao?

Walang masama naman sa e-chain letters kung tutuusin pero kung magpo-forward kayo yung tipong bukal na bukal sa loob nyo at hindi nag-oobliga sa ibang tao na gawin din ang ginawa nyo dahil pag-aalis ito ng kalayaan niyang magdesisyon para sa kanyang sarili gaya ng pagkawala ng kalayaan mong gumawa ng desisyon ayon sa iyong mga prinisipyo’t pinaniniwalaan. Hehe. Chos. Kunwari malalim yun. Pero, sana sa pagpopost ko nito hindi na ako gigising isang umaga’t magbubukas ng aking mga mail accounts at muling bubulagain ng mga kinabibuwisitan kong e-chain letters. (Sana pati yung mga e-mail na meron akong makukuhang malaking halaga ng pera sa isang European bank o di kaya nanalo ako sa isang pa-contest ng Pepsi ay totoo. Kung hindi, hindi na sana ako makatanggap nun)

Kaya sa lahat ng nakabasa nitong entry kong ito, ipasa niyo sa 300 na tao sa loob ng 15 seconds kung hindi, mamatay ang pinakamamahal mong alagang kuko kasama na rin ang pagkawala ng bahay niyo. Pero kapag pinasa mo ito sa higit sa 300 tao sa loob ng 5 segundo, matatalo mo si Barrack Obama sa susunod na eleksyon kahit di ka US citizen, ipamamana sa iyo ni Bill Gates lahat ng kanyang ari-arian at magiging kasingsikat ka ni Madonna sa Africa.

Pag hindi mo pinasa ito, isusumbong kita kay Lord. Your timer starts now. Shet.