Wednesday, September 19, 2007

This friend's in love with you, pare!

If you want pain,

If you like tears,

If you need sleepless nights

And sufferings

Find a friend…

And fall in love…

Naglilinis ako ng aking inbox nang aking makita ang mensaheng ito. Ipinadala sa akin ito mahigit isang taon na ang nakalipas ng dating kaibigan. Punong-puno ng katotohanan ang mensaheng iyon. Dahil ganun nga ang nangyari sa amin.

Kung tutuusin, mas gugustuhin ko pang mag-umpisa ang isang kuwentong pag-ibig na may malisya na ang magkabilang-panig. Yung tipong gusto nung isa yung isa at ganun din yung isa. Iba kasi kapag nagsimula kayong magkaibigan talaga. Yung tipong hindi mo alam na posible pa lang mangyari iyon. Kahit sa guni-guni ng iba ay hindi nila mawari na mangyayari yun. Yung tipong makararating ang balita sa lahat ng inyong kaibigan hanggang Pransya. Ika nga ng kaibigan ko yung nangyari sa amin hindi lang umabot national kundi international. Komento naman ng isa pa, binulabog namin ang buong mundo.

Higit siguro sa mga masasabi ng iba, isang mahalaga at malaking desisyon ang ginawa ko. Yung tipong talikuran ang lahat ng aming pinagsamahan para lamang sa mas malapit at romantikong relasyon. Kung alam ko lang na hindi kami magtatagal, sana hindi na ako nangahas. Oo, may pagsisisi talaga. At malaking pagsisisi yun. Alam kong buwan o siguro taon pa nga ang bibilangin bago maayos ang mga bagay-bagay pero hindi na naman ako umaasa. Bahala ni si Batman. (Kawawa naman si Batman)

Ang hirap kapag nahulog ang loob mo sa isang kaibigan pero hindi talaga ito imposible. Siyempre, lagi mo siyang nakakasama at sa mga pagkakataong ito ay lalo mo pa siyang nakikilala. Lumalalim ang samahan. Halos alam na nung tao yung likaw ng bituka mo. Parehas na kayo ng wavelength at may pagkakataong hindi na iba sa inyo ang mga gusto at ayaw ng isa’t isa. Nakadaragdag pa kung parehas kayong walang commitment. Walang nililigawan si lalaki at walang tipo sa mga nanliligaw sa kanya si babae.

Grabeng denial stage talaga. Yung tipong kukumbinsihin mo yung sarili mong, “Ah, hindi talaga. Natutuwa lang ako sa kanya nang sobra. Hanggang dun lang iyon noh.” Gagawin mo itong mantra. Paulit-ulit na sasabihin mo sa sarili na itatak ito sa iyong kukote. Paulit-ulit na halos sumabog na ang iyong mga brain cells. Parang dasal mo na ito gabi-gabi hanggang isang hirit mula sa isa sa inyong mga kaibigan ang gigising sa nanahimik at panatag mo na sanang damdamin. “Uy, type mo siya noh?” Siyempre ang sagot mo na medyo defensive pa ay isang malaking HINDI NOH. Simula ka na naman sa pag-iisip at pagkumbinsi sa sarili mong hindi espesyal ang pagtingin mo sa kanya. Ilang beses itong mangyayari. Paikot-ikot lang. Shucks talaga. Of course, you’ll get tired and give up. Oo, mahal mo na siya. Sa pagsuko mo sa paglaban sa tunay mong nararamdaman uusbong ang palihim na pagtingin. Nandyan na ang pasimple mong paghilig sa kanyang balikat. Pagtanda ng mahahalagang nouns (persons, places, animals, things and events) sa buhay niya. Sasamahan mo siya kahit umabot pa ang next class mo kinabukasan, huwag lang siyang malungkot. Pinahahalagan mo yung mga maliliit niyang ginawa para sa iyo gaya ng pagpulot niya sa nahulog mong ballpen at marami pang iba.Lame excuse na yung dahil friends kayo at ganun ka naman sa lahat ng iyong kaibigan. Bisto ka na, tsong. Pinagdaanan ko rin yan. Hahaha.

Sa kabila nito, mananatiling lihim ang lahat. Lalo na kung wala ka namang nakikitang sinyales na gusto ka rin nya. Kasi ayaw mong masira ang inyong pagkakaibigan. Awww… kahit mahirap itago ang tunay na nararamdaman mo, makukuntento ka na lang sa ganun. Eh ganun talaga… Marami namang posibleng mangyari. Magbibigay ako ng iba’t ibang senaryo:

a. Walang mangyayari. Kaibigan kayo tapos yun. Lang.

b. Magkakagusto siya. Hindi nga lang sa iyo. Ang sakit nun tol! Lalo na kung hindi pala kayo talo.

c. May gusto siya. This time, sa iyo na. Dalawa lang yan: Magiging kayo habambuhay o magkakahiwalay din. Ibang kaso pa kapag hindi naging kayo talaga.

d. Aamin kang gusto mo siya tapos may drama kang nalalamang lalayo ka muna sandali para mawala itong nararamdaman mo pero sa totoo lang, hindi mo lang matanggap na hanggang dun lang kasi kayo.

Kahit ano pa man ang mangyari, malaking sugal ang bitiwan ang pagkakaibigan para sa sigaw ng damdamin.

Monday, September 03, 2007

Paghihiwalay at MGA kalabuan nito

Muli, may pagpupumilit ang pagsulat ko nito. Isang kaibigang itago na lamang natin sa pangalang Kuya Jed ang kinukulit ako para gumawa ng mga ganitong klase ng mga blog entries. In fairness, binigyan pa akong ng paksang kaiinugan ng aking pagtalakay sa paghihiwalay ng mga magkasintahan. Sabi niya tungkol daw sa nararamdaman ng mga babae kapag ang lalaki ang nakipagkalas. Grabeng sampal daw ito sa self-esteem ng mga kababaihan. Nagbigay pa siya ng teorya, “Lalaki ang nanligaw at sumuyo so parang pribilehiyo ng babae na ligawan siya ng lalaki. So the moment na lalake nakipagbreak ibig sabihin nagsawa na sayo or what or inayawan ka na.Masyadong pyudal at double standard nuh.”

Nakalulungkot isipin na parang ganun lang ang lahat. Ang babae, mag-aabang ng manliligaw. Ang babae, pagsasawaan. Ang babae, iiwan. Walang boses. In fairness, may disclaimer sa huli ng kanyang teorya pero huwag na tayong maglokohan ganun naman ang tingin ng karamihan. Ano nga bang masasabi ng isang babae tungkol sa pag-iwan o pakikipaghiwalay sa kanya ng boyfriend?

Bukod sa “Tangina! Magsisisi sya! Hayop talaga siya,” masakit. Tingin ko naman masakit naman masiraan ng relasyon unless ang intensyon mo talaga ay sirain talaga ito. Totoo namang iba-iba ang tama ng sakit sa puso sa bawat tao. Masyado lang talagang malaking bagay para sa mga tao ang malaman kung ano ba ang epekto sa isang babae o isang lalaki nito. Kasi eto na ang lipunang kinalakhan natin eh. Laging may dibisyon sa kasarian. Kung ang mga bading ay humihingi ng pantay na karapatan sa lahat, ang babae ganun pa rin. Alam ba ng mga kababaihan ito? Marahil, hindi. Dahil ang babae nag-iisip pa rin bilang isang babaebg pinangingibabawan ng mga kalalakihan. Kaya parang wala ring bago. Isisingit ko lang, ang konsepto ng kagandahan ng mga kababaihan ay kagandahan sa mata ng mga lalaki. Ganun din ng pagiging sexy at pakikipagrelasyon.

Kung bakit ganun kasakit sa mga babae ang hiwalayan ng kanilang kasintahan, dahil hanggang sa huli nawalan siya ng pagkakataong magkaboses. Oo na ang feminista. Oh eto pa: Ngayon, gagawa naman ako ng teorya.

Oo, ang lalaki ang nanligaw at sumuyo. Kapag nagsisimula nang manipulahin ng babae ang relasyon (sa mabuti man o masama mang paraan), nasasakal na ang lalaki o natatapakan na ang kanyang kakayahang paikutin ang relasyon sa kanyang palad. Bago pa tuluyang mapangibabawan ng babae ang lahat, makikipagkalas si lalake at iisiping nagawa niyang miserable ang buhay ng babae. Ito ay kung ikukulong natin sa usaping babae laban sa lalaki gaya ng teorya sa itaas. Ala-pantas pa ang pagtalakay. Weh...

Nakipaghiwalay sa akin si Tim at tingin ko naman hindi naman ganoon ang naging kaso (o ipinagpapalagay ko lang.) Tuwing nalalaman ito ng mga tao, laging may impresyong dagdag macho points sa kanya at kahihiyan sa akin. Anong epekto sa akin nito? Tahasan kong masasabi, eh ano naman. Basta ako, nagmahal. Ayun na siguro yung kasagutan ko sa katanungan mo Kuya Jed kung ano ba ang pakiramdam kapag ang babae ang hiniwalayan. Basta ako, nagmahal. Kung siya hindi man, hindi ko na rin gustong alamin. Kahit ano pang gasgas na linya ang ibato nila. “Nasasakal ako.” “Hindi kita kayang i-prioritize.” “It’s not you, it’s me.” Hindi na ganoon kahalaga.

Mas mahalaga sigurong pagmunihan ay kung may pagsisisi ba o may panghihinayang. Higit pa siguro sa nadarama mo bilang may bayag o wala. Ang namuo namang pagtitinginan ang masarap balikan at hindi naman ang kakayahan ng isang lalaking mangahas makipaghiwalay.

Sensya. Anlabo. Sabog talaga makipaghiwalay.