Muli, may pagpupumilit ang pagsulat ko nito. Isang kaibigang itago na lamang natin sa pangalang Kuya Jed ang kinukulit ako para gumawa ng mga ganitong klase ng mga blog entries. In fairness, binigyan pa akong ng paksang kaiinugan ng aking pagtalakay sa paghihiwalay ng mga magkasintahan. Sabi niya tungkol daw sa nararamdaman ng mga babae kapag ang lalaki ang nakipagkalas. Grabeng sampal daw ito sa self-esteem ng mga kababaihan. Nagbigay pa siya ng teorya, “Lalaki ang nanligaw at sumuyo so parang pribilehiyo ng babae na ligawan siya ng lalaki. So the moment na lalake nakipagbreak ibig sabihin nagsawa na sayo or what or inayawan ka na.Masyadong pyudal at double standard nuh.”
Nakalulungkot isipin na parang ganun lang ang lahat. Ang babae, mag-aabang ng manliligaw. Ang babae, pagsasawaan. Ang babae, iiwan. Walang boses. In fairness, may disclaimer sa huli ng kanyang teorya pero huwag na tayong maglokohan ganun naman ang tingin ng karamihan. Ano nga bang masasabi ng isang babae tungkol sa pag-iwan o pakikipaghiwalay sa kanya ng boyfriend?
Bukod sa “Tangina! Magsisisi sya! Hayop talaga siya,” masakit. Tingin ko naman masakit naman masiraan ng relasyon unless ang intensyon mo talaga ay sirain talaga ito. Totoo namang iba-iba ang tama ng sakit sa puso sa bawat tao. Masyado lang talagang malaking bagay para sa mga tao ang malaman kung ano ba ang epekto sa isang babae o isang lalaki nito. Kasi eto na ang lipunang kinalakhan natin eh. Laging may dibisyon sa kasarian. Kung ang mga bading ay humihingi ng pantay na karapatan sa lahat, ang babae ganun pa rin. Alam ba ng mga kababaihan ito? Marahil, hindi. Dahil ang babae nag-iisip pa rin bilang isang babaebg pinangingibabawan ng mga kalalakihan. Kaya parang wala ring bago. Isisingit ko lang, ang konsepto ng kagandahan ng mga kababaihan ay kagandahan sa mata ng mga lalaki. Ganun din ng pagiging sexy at pakikipagrelasyon.
Kung bakit ganun kasakit sa mga babae ang hiwalayan ng kanilang kasintahan, dahil hanggang sa huli nawalan siya ng pagkakataong magkaboses. Oo na ang feminista. Oh eto pa: Ngayon, gagawa naman ako ng teorya.
Oo, ang lalaki ang nanligaw at sumuyo. Kapag nagsisimula nang manipulahin ng babae ang relasyon (sa mabuti man o masama mang paraan), nasasakal na ang lalaki o natatapakan na ang kanyang kakayahang paikutin ang relasyon sa kanyang palad. Bago pa tuluyang mapangibabawan ng babae ang lahat, makikipagkalas si lalake at iisiping nagawa niyang miserable ang buhay ng babae. Ito ay kung ikukulong natin sa usaping babae laban sa lalaki gaya ng teorya sa itaas. Ala-pantas pa ang pagtalakay. Weh...
Nakipaghiwalay sa akin si Tim at tingin ko naman hindi naman ganoon ang naging kaso (o ipinagpapalagay ko lang.) Tuwing nalalaman ito ng mga tao, laging may impresyong dagdag macho points sa kanya at kahihiyan sa akin. Anong epekto sa akin nito? Tahasan kong masasabi, eh ano naman. Basta ako, nagmahal. Ayun na siguro yung kasagutan ko sa katanungan mo Kuya Jed kung ano ba ang pakiramdam kapag ang babae ang hiniwalayan. Basta ako, nagmahal. Kung siya hindi man, hindi ko na rin gustong alamin. Kahit ano pang gasgas na linya ang ibato nila. “Nasasakal ako.” “Hindi kita kayang i-prioritize.” “It’s not you, it’s me.” Hindi na ganoon kahalaga.
Mas mahalaga sigurong pagmunihan ay kung may pagsisisi ba o may panghihinayang. Higit pa siguro sa nadarama mo bilang may bayag o wala. Ang namuo namang pagtitinginan ang masarap balikan at hindi naman ang kakayahan ng isang lalaking mangahas makipaghiwalay.
Sensya. Anlabo. Sabog talaga makipaghiwalay.
No comments:
Post a Comment