If you want pain,
If you like tears,
If you need sleepless nights
And sufferings
Find a friend…
And fall in love…
Naglilinis ako ng aking inbox nang aking makita ang mensaheng ito. Ipinadala sa akin ito mahigit isang taon na ang nakalipas ng dating kaibigan. Punong-puno ng katotohanan ang mensaheng iyon. Dahil ganun nga ang nangyari sa amin.
Kung tutuusin, mas gugustuhin ko pang mag-umpisa ang isang kuwentong pag-ibig na may malisya na ang magkabilang-panig. Yung tipong gusto nung isa yung isa at ganun din yung isa. Iba kasi kapag nagsimula kayong magkaibigan talaga. Yung tipong hindi mo alam na posible pa lang mangyari iyon. Kahit sa guni-guni ng iba ay hindi nila mawari na mangyayari yun. Yung tipong makararating ang balita sa lahat ng inyong kaibigan hanggang Pransya. Ika nga ng kaibigan ko yung nangyari sa amin hindi lang umabot national kundi international. Komento naman ng isa pa, binulabog namin ang buong mundo.
Higit siguro sa mga masasabi ng iba, isang mahalaga at malaking desisyon ang ginawa ko. Yung tipong talikuran ang lahat ng aming pinagsamahan para lamang sa mas malapit at romantikong relasyon. Kung alam ko lang na hindi kami magtatagal, sana hindi na ako nangahas. Oo, may pagsisisi talaga. At malaking pagsisisi yun. Alam kong buwan o siguro taon pa nga ang bibilangin bago maayos ang mga bagay-bagay pero hindi na naman ako umaasa. Bahala ni si Batman. (Kawawa naman si Batman)
Ang hirap kapag nahulog ang loob mo sa isang kaibigan pero hindi talaga ito imposible. Siyempre, lagi mo siyang nakakasama at sa mga pagkakataong ito ay lalo mo pa siyang nakikilala. Lumalalim ang samahan. Halos alam na nung tao yung likaw ng bituka mo. Parehas na kayo ng wavelength at may pagkakataong hindi na iba sa inyo ang mga gusto at ayaw ng isa’t isa. Nakadaragdag pa kung parehas kayong walang commitment. Walang nililigawan si lalaki at walang tipo sa mga nanliligaw sa kanya si babae.
Grabeng denial stage talaga. Yung tipong kukumbinsihin mo yung sarili mong, “Ah, hindi talaga. Natutuwa lang ako sa kanya nang sobra. Hanggang dun lang iyon noh.” Gagawin mo itong mantra. Paulit-ulit na sasabihin mo sa sarili na itatak ito sa iyong kukote. Paulit-ulit na halos sumabog na ang iyong mga brain cells. Parang dasal mo na ito gabi-gabi hanggang isang hirit mula sa isa sa inyong mga kaibigan ang gigising sa nanahimik at panatag mo na sanang damdamin. “Uy, type mo siya noh?” Siyempre ang sagot mo na medyo defensive pa ay isang malaking HINDI NOH. Simula ka na naman sa pag-iisip at pagkumbinsi sa sarili mong hindi espesyal ang pagtingin mo sa kanya. Ilang beses itong mangyayari. Paikot-ikot lang. Shucks talaga. Of course, you’ll get tired and give up. Oo, mahal mo na siya. Sa pagsuko mo sa paglaban sa tunay mong nararamdaman uusbong ang palihim na pagtingin. Nandyan na ang pasimple mong paghilig sa kanyang balikat. Pagtanda ng mahahalagang nouns (persons, places, animals, things and events) sa buhay niya. Sasamahan mo siya kahit umabot pa ang next class mo kinabukasan, huwag lang siyang malungkot. Pinahahalagan mo yung mga maliliit niyang ginawa para sa iyo gaya ng pagpulot niya sa nahulog mong ballpen at marami pang iba.Lame excuse na yung dahil friends kayo at ganun ka naman sa lahat ng iyong kaibigan. Bisto ka na, tsong. Pinagdaanan ko rin yan. Hahaha.
Sa kabila nito, mananatiling lihim ang lahat. Lalo na kung wala ka namang nakikitang sinyales na gusto ka rin nya. Kasi ayaw mong masira ang inyong pagkakaibigan. Awww… kahit mahirap itago ang tunay na nararamdaman mo, makukuntento ka na lang sa ganun. Eh ganun talaga… Marami namang posibleng mangyari. Magbibigay ako ng iba’t ibang senaryo:
a. Walang mangyayari. Kaibigan kayo tapos yun. Lang.
b. Magkakagusto siya. Hindi nga lang sa iyo. Ang sakit nun tol! Lalo na kung hindi pala kayo talo.
c. May gusto siya. This time, sa iyo na. Dalawa lang yan: Magiging kayo habambuhay o magkakahiwalay din. Ibang kaso pa kapag hindi naging kayo talaga.
d. Aamin kang gusto mo siya tapos may drama kang nalalamang lalayo ka muna sandali para mawala itong nararamdaman mo pero sa totoo lang, hindi mo lang matanggap na hanggang dun lang kasi kayo.
No comments:
Post a Comment