Paano ba nabubuo ang isang bata? Syempre, sa pagniniig ng similya ng lalaki at itlog ng babae. Tapos, magsisimula nang lumobo ang tyan nung babae, tapos baby na kapag pinanganak. Parang ganun lang kasimple noh? Pero sa paghubog ng isang bata, magsisimula ang isang malaking responsibilidad--ang mapalaki sya nang maayos at may pagmamahal sa Diyos at sa iba.
Alam kong hindi ako naging mabuti at masunuring anak sa lahat ng pagkakataon. Sa kabila ng lahat ng kabiguan at sakit na naidulot ko sa inyo, tinanggap at inalalayan nyo pa rin ako. Hindi nyo ako pinabayaang manatiling nakadapa. Bagkus, itinayo nyo ako at muling inakay sa tamang landas. Dati, sa kalakihan ng aking ulo, iniisip kong syempre responsibilidad nyo iyon pero napagtanto kong hindi iyon ganun kasimple.
Hindi lahat ng lalaking may kakayahang makabuo ng bata ay may kakayahang maging ama. Hindi lahat ng lalaking nakabuo ng bata ay matatawag na ama.May mga lalaking pinababayaan ang kanilang mga anak, mas malala inaabuso pa sila. May mga lalaking itinatakwil ang bunga ng kanilang kapusukan. Sa mga pagkakataong ito, hindi sila nararapat tawaging ama.Gaya ng pagtawag ng anak sa kanyang nanay ng ina, ganun din kasagrado ang pagtawag sa isang tatay ng ama.Ang pagiging ama ay hindi lang isang responsibilidad na mapasusubo kang gampanan. Ang pagiging ama ay laging pinangungunahan ng pagmamahal.
Kaya Papa, Ama, Tatay, Daddy, anu-ano pa mang terminong iugnay sa iyo, nasi kong iparating ang walang hanggang pasasalamat hindi lang sa paggampan ng responsibilidad mo sa akin bilang tatay pero sa walang kondisyong pagmamahal.
Gawa-gawa man ng kapitalistang mundo ang araw na ito, gusto na rin kitang batiin ng isang maligayang araw ng mga Ama.Mahal kita. :-D