Saturday, June 19, 2010

Sa Araw na Nilaan Para sa Mga Ama

Baka hindi maging maganda ang internet connection namin bukas kaya minabuti ko nang ipaskil ito ng isang araw na mas maaga:

Isang ama ang naaalala ko ngayon. Hindi ko sya personal na kilala at mas lalong hindi nya ako kilala. Napanood ko sya sa isang dokumentaryo. Nakatira sa liblib na kabunduka ng Oriental Mindoro. Maaga siyang nabalo nang ipanganak ng kanyang asawa ang bunso sa kanilang marami nang anak. Tandang tanda ko pa ang pangalan ng bunso niyang anak, John Lloyd.
Ang tatay na dati ay nakatoka lamang sa pagkayod nang may mapakain sa pamilya ay biglang naatasang maging ilaw ng tahanan. Mula noo'y, wala silang ibang kinakain bukod sa saging na saba na kung minsan ay hilaw pa kung ihain sa hapag nilang nagsisilbi ring sahig ng kanilang mumunting kubo.Si John Lloyd nga, ni minsan ay hindi nadampian ang labi nya ng gatas ng ina o kung ano mang gatas simula ng ipanganak sya. Naging madilim ang kanilang tahanan.

Kitang kita ko sa mga mata ni Tatay ang pagkadurog ng kanyang pusong makita ang kanyang pamilya. Nararamdaman ko ang pagnanais nyang akuin lahat ng kahirapan lalong lalo na nang matuklasan nilang naghihirap ang kanyang bunso sa matinding malnutrisyon.

Ngayong araw ng mga tatay, ang tatay ni John Lloyd ang lubos kong nais batiin at damayan sa kanyang mga sakit sa buhay. Kung puwede lamang akong makihati sa kanyang nararamdamang sakit, bakit hindi. Sa ngayon, sa dami rin ng mga hamon ko sa buhay na kinahaharap, tanging panalangin na lamang ang aking maiiaalay sa dakilang amang gaya nya na unti-unting ginagapo ng matinding kahirapan.

*************************************

Isang maligayang bati sa lahat ng mga huwarang ama, gumagampan na ama at tunay na mabubuting ama. Nawa'y pagkalooban kayo ng Ama natin sa langit ng mas mahaba at matiwasay pang buhay.

No comments: