Tuesday, July 25, 2006
rehab mode
Naalala ko tuloy kahapon. Nakalulungkot yung nangyari. Hindi ko ito ginusto. Minsan may mga bagay na ang hirap intindihin, kasing hirap bitawan. Pero lahat ito kailangan dahil hindi na tama. Nakokonsensya ako. Hindi ko intensyong sirain ang maganda nating pinagsamahan. Akala ko kaya kong magpanggap na wala lang lahat. Pero iba yung sakit eh, tagusan hanggang laman. Ang hirap gumising araw–araw alam kong hindi mo man lamang ako minahal at kayang mahalin nang higit pa sa kaibigan. Ang hirap magbulag-bulagan.
Ako yung mali. Nag-assume ako. Umasa ako. At patuloy itong nangyari hanggang hindi ko na kaya yung sakit. Pasensya na nadamay pa pati pagkakaibigan natin.
Bakit kailangan nating balikan lahat ng nagdaan sa ating pagkakaibigan? Dahil gusto kong isipin mong inisip ko lahat ng ito bago ako nagdesisyong lumayo. Katulad ng sinabi ko sa iyo noon, isa ka sa pinakamagandang nangyari sa buhay ko.
Anong iniisip ko ngayon? Kumusta ka na kaya? Anong oras ka na kaya nakarating sa bahay? Traffic at baha ang mga kalsada ah. Kumain ka na kaya? Ano na kayang ginagawa mo? Galit ka kaya sa akin? Sana naiintindihan mo ako. Sana intindihin mo ako.
Saturday, July 22, 2006
First dell experience
Eto ang una kong blog entry gamit ang bago kong gadget. Shet. Ang sarap ng feeling nang una kong makita ito. Para akong nanalo sa lotto. Dell ang tatak nya. Pero kahit, downy pa masaya na ako.
Isang gabi na kaming nagsasama. Masaya naman ako. Sa umpisa. Kasi naman napakabigat niyang pasanin. Halos nabali na ang likod ko sa pagbuhat sa kanya. Pero masaya pa rin ako. Any ways, hindi ito ang gusto kong ikuwento…
******* *******
Papunta na ako sa iyo. Kinakabahan, kasi sobra akong nanabik na makita ka. Grabe yung pagkabog ng dibdib ko. Pamatay. Nagulat ako kasi habang papunta sa iyo, may dalawa akong kakilalang hinalikan ako. Sa loob loob ko, sana ikaw na lang yun. Kahit magdamag mo pang hiramin ang pisngi ko para halikan ay ibibigay ko.
Binuksan ko na ang pinto. Andun ka. Nakangiti sa akin. Grabehan talaga yun. Di ako makahinga. Biglang umikot ang aking paningin at hindi ko na alam kung anong nangyari sumunod.
Mukha mo ang unang bumungad pagkadilat ng nasisilaw ko pang mga mata.
Sabi mo: okay ka na ba?
Tanong ko: nasa langit na ba ako? Akala ko kasi anghel eh.
Tumawa ka. Ang mapula mong mga labi, ang nangungusap mong mga mata. Mahihimatay na naman ba ako? Kaka-disorient ka talaga ng mundo.
Hinawakan mo nang dahan dahan ang kamay ko.
Sabi mo: kinabahan ako, kala ko ano nang nangyari sa iyo.
Sagot ko: nahimatay ako dahil sa kakisigan mo
Tumawa ka ulit. Ang mapula mong mga labi, ang nangungusap mong mga mata. Mahihimatay na naman ba ako? Kaka-disorient ka talaga ng mundo.
Sabi mo: (ay wala ka palang sinabi dahil puso na natin ang nag-usap)
Sabat ko: (ay wala rin pala, kasi nawindang na ako nang tuluyan)
Lumapit ka sa akin hanggang isang pulgada na lang ang layo mo. Tinitigan mo ako. Pumikit ka at inalay ang matamis mong halik. No choice na ako eh. Alangang ipahiya pa kita. Tinanggap ko naman iyon…libre naman.
Yung mga ganung eksenang tila sa fairy tale mo lang mababasa. Pang telenobela ang plot. Pang Joniko’s collection pocketbook ang script. Pang blockbuster ang linya. Akala ko sa pantasya ko lang mangyayari iyon.
.
Oo na, sa pantasya ko lang...
Binuksan ko na ang pinto. Nakita kitang abalang kausap ang girlfriend mo. Bigla akong napaisip, covetousness na ba iyon?
Pagdating talaga sa iyo, nagkakasala ako…
Basta para sa iyo handa akong magkasala.
Sunday, July 09, 2006
Estudyante, Senior citizen at Disable: P 6.50
Ano kaya ang pakiramdam ng hindi makapagsalita, di makakita o di kaya ay hindi makarinig? Nakakabato siguro yun noh. Pero isipin mo, may mga advantages ang mga kakulangang ito.
Siyempre kung ikaw ay bingi, hindi ka maiingayan sa kapitbahay mong mga lasing na nagbi-videokeo. Hindi ka rin maiirita sa asawa mong parang armalite kung pumutak. Hindi mo iintindihin ang mga lolang hardcore kung magpasyon kapag mahal na araw at sa mga nanay ding walang ginawa kung hindi magtsismisan.
Kung ikaw naman ay pipi, hindi ka mapipili ng teacher mong magrecite ng Panatang Makabayan sa Flag ceremony kasi maiintindihan niya na mahirap magsignlanguage habang nakataas ang kanang kamay mo. Di ka rin mapalalabas ng iyong guro kapag maingay ang buong klase. Puwede kang magbackstab nang literal kasi hindi ka naman maririnig eh.
Sa mga madidilim naman ang mundo, maliwanag naman ang inyong konsensya kapag may nakitang porn video sa inyong koleksyon ng mga cds. Puwede kayong “magbasa” umaga hanggang gabi sa kahit anong posisyon. Di kayo magkakakuliti kasi hindi naman kayo puwedeng manilip. Di rin kayo puwedeng pagbintangan ng pagtingin sa papel ng iyong katabi tuwing exam. Puwede ka ring matulog habang nagkaklase kasi hindi naman nila malalaman yun eh.
Sa lahat ng taong may pandinig, paningin at pananalita, malas niyo kung nabuhay kayo sa paniniwalang sobrang suwerete nyo kumpara sa kanila.
*****Kanina lang natapos ang gawain namin sa Gabay. Masaya talaga. Masaya ako sa maraming bagay at maraming tao at maraming dahilan at marami pang iba.
*****
Hell week ko na. Magpakababad sa apoy ng kapaguran at maraming stress. Shet.
*****
complicated?ang alin?sino? di ko alam kung bakit ba naman ganito ako?bakit ako nagkakaganito sa'yo? Sana mabitiwan ko na lahat ng pilit kong inaangkin.
*****
malapit na bertdey ko. Sana matupad naman ang tanging hiling ko--isang sulyap mula sa iyo...
Tuesday, July 04, 2006
Sige na, ulitin natin
Higupin ang lahat ng iyong katas.
Gusto kitang angkinin muli.
Gaya ng kahayukan kong akinin mo ang aking mundo.
At hindi kita basta-basta titigilan hangga’t hindi ko nasisimot
lahat ng kaya mong ihandog sa natigang kong laman
Muli, tatakbo tayo sa sarili nating paraiso.
At lilimutin ang buong paligid tulad ng paglimot natin noon.
O masmatindi pa—masmalalim, masmatagal…
Pero
Limot na ng panahon ang mga nangyari
At hindi ko na talaga ito matandaan.
Hindi ko na lubos na maalala
ang pagniniig ng ating espiritu’t katawan.
ang paglalapat ng ating mga labi
ang pang-aangkin mo sa akin
ang pang-aangkin ko sa iyo
ang ating pag-iisa
Kaya sana ay ulitin natin
Ipalasap mo ulit sa akin ang nag-aalab mong kaluluwa
Ipaalala mo ang lahat ng paglimot na ating ginawa
Paikutin mo ako muli sa iyo
Nananabik akong tikman ka muli sa ating paghaharap.
Alam kong malapit na iyon.
Malapit na.
Nagmamahal,
Alakera on leave
hay...tagal ko nang hindi umiinom simula nang nadengoy ako. kakamiss.
Saturday, July 01, 2006
Bakit di ako nag-artista
Kaya naman hindi ako nagtataka kung bakit ako sinali ng aking Mama sa Little Miss Philippines nung ako’y nasa kinder II. Pero obvious naman ang nangyari, hindi ako nanalo. Bakit kamo? Kasi ni hindi nga ako natanggap sa elimination round dahil audition pa lang bagsak na ako. Nakaka-disappoint noh pero kahit ako yung audition head ay hindi ko tatanggapin ang sarili ko. Ang talent ko ba naman ay modeling. Modeling!?! Syempre, kakawindang yun kasi wala namang extraordinary dun sa gagawin ko. Hay, ewan ko ba. Baka hindi lang talaga para sa akin ang showbiz.
Muli, hindi ako madaling nawawalan ng loob. Kaya naman, patuloy akong umasang magiging artista rin ako balang araw. Hanggang kagabi, napagtanto kong hindi talaga ako pangshowbiz. Dahil kung artista na ako,
1: May mga pagkakataong gagamitin ng mga tao ang kanilang mga art skills sa aking mga pictures (magazines, notebooks at song hits) sa pamamagitan nang paglalagay ng itim sa aking mga ngipin, kilay at mukha hanggang mukha naakong taong gubat.
2: Hindi pa sila makokontento dun. Lalabas ang kanilang mga lahing mangkukulam at mambabarang dahil bubutasin nila ang aking mata, bibig at ilong sa mga larawan kapag bored na sila sa pagkukulay.
3: Hindi na ako makasasakay ng bus, jeep, tricycle. Unless, handa akong malamutak, magpakodak at pumirma nang libong beses.
4: Makatatanggap ako ng milyun-milyong pambabackstab at paninirang puri mula sa milyun-milyong Pilipino sa buong Pilipinas. Baka mawala lang ang pagmamahal ko sa bayan.
5: At higit sa lahat, hindi talaga ako tatagal sa showbizness dahil hindi ako makinis at Hispanic-Filipina-Chinese beauty at wala rin akong extraordinary talent para maging negligible yung mga kakulangan kong iyon. (except for modeling: kaso di rin pala ako matangkad.)