Thursday, March 22, 2007

Pagtakas


Pagtakas

Ngayong araw na ito, inis na inis ako sa sarili ko. Kung meron mang hindi alam ang mga taong ugali ko na hindi maganda( o hindi lang nila inaaming napapansin nila at hindi sinasabi sa akin) ay ang nakasanayan kong pagtakas. May ugali akong tumakas. Madaling tumayo mula sa pagkakadapa at tumawa sabay hirit ng "kaya nyo yun?" Pero ang mahirap sa pagkakadapa ay ang makalimot. Mahirap makalimot lalo na kapag nag-iwan pa ito ng sugat. Dahil sa hindi ako madaling makalimot, tumatakas na lang ako. Kaya siguro ang dami kong mga kabaliwang naiisip.

Ngayong araw na ito, nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-isip tungkol sa mga iniisip ko. Ano na bang klaseng tao ako? May maganda pa bang nangyayari sa buhay ko? Kapag sawang sawa na ako sa nangyayari sa buhay ko dahil sa mga problema o hindi kaya dahil wala lang nangyayaring interesante, nabubuhay ang aking imahinasyon. Naiisip kong maglayas na lang o hindi kaya magpakamatay. Ang brutal ko noh? Marahil nabababawan ka na sa akin pero walang pakialamanan. Mukha naman akong hindi seryoso dahil sa buhay pa ako hanggang ngayon. Kung maglalayas ako, pupunta ako sa mga lugar na walang nakakakilala sa akin. Hindi ako magpapakilalang ako. Hindi ko sasabihin kung saan ako galing, ano ang edad ko at kung anu-ano pang magpapaalala sa akin ng aking nakaraan. Iibahin ko ang aking pangalan para walang makakikilala talaga sa akin.Magta-trabaho ako at mag-aaral. Malamang, matataas yung makukuha kong marka kasi college na nga ako ngayon eh. Kukunin ko yung kursong gustong gusto ko (na wala sa AdMU) at magtuturo pagkatapos nito. Haha. Bigla kong naisip si Ibarra aka Simoun. Kung magpapakamatay naman ako, ayoko nung may pagtagas ng dugo o mag-iiwan ng bakas(e.g. laslas o bitay). Siguro, overdose na lang. Kaya kapag sinugod ako sa hospital dahil sa paglalaslas, gusto ko lang magpapansin at ayaw ko talagang magpakamatay.

Ngayong araw na ito, kung tutuusin ay puwede kong gawin yung mga iniisip ko dahil wala namang makapipigil sa akin. Pero,pinipili kong manatili sa buhay kong ito kahit na may mga problema akong kinahaharap (o tinatakasan.) Araw-araw ay dumarating ako sa punto ng pagdedesisyon kung anong oras ako uuwi pero hindi ko naiisip na sa pagpili kong ito winawaksi ko na ang pagpili sa hindi pag-uwi talaga. Araw-araw nakukumbinse ko ang aking mga paang maglakad patungo sa trike stop pauwi sa aming bahay. Ay, hindi pala araw-araw, gabi-gabi pala dahil eto yung oras ng uwi ko. Ginagawa ko ito nang buong pagkukusa.

Ngayong araw na ito, naisip kong nag-iisa talaga ako. Marami-rami rin naman ang aking mga kaibigan at nag-uusap naman kami ng mga kamag-anak ko. Oo, wala akong boyfriend pero hindi iyon ang tinutukoy ko. Nag-iisa ako at sa pag-iisa kong ito sinasarili ko ang lahat. Madaldal at makuwento akong tao. Masayahin na rin. Kaya lang, hindi lang iyon ako. Marami akong mga lihim na wala talagang nakakaalam. Marami akong kinikimkim. Marami talaga.

Ngayong araw na ito, napagtanto kong may mga taong araw-araw kong kausap at kasama. Literal, malapit sila sa akin pero hindi naman talaga. Parang isang malaking gamitan lang ang lahat. Sa pag-iisa kong ito hindi ko kayang mabuhay ng mag-isa. Dahil dyan, naalala kong naiinis ako sa sarili ko. Hindi lang inis ha? Inis na inis.

Ngayong araw na ito, gusto kong ayusin na ang buhay ko. Ilang beses ko nang sinabi na itutuwid ko ang sablay kong buhay. Ilang beses na akong gumawa ng mga konkretong pagpaplano. Wala. Olats pa rin ako. Ang dami ko pa ring mga chorva sa buhay. Ang dami kong galit na kinikimkim. Ang dami kong katanungang nakabimbin masagutan atbp.

Ngayong araw na ito at sa mga susunod pa, gusto ko munang mabuhay mag-isa. Gusto ko munang ako lang muna. Walang sila. Walang kami. Ako lang. Nag-iisa pero Masaya. Kapag nangyari siguro ito, hindi ko na kailangang tumakas nang tumakas pa…

Oo, totoong napakalungkot ng buhay ko. Hindi lang halata.

No comments: