Dahil sa ayaw kong maging kahawig ang mga makabagong tao sa pelikulang Wall-E, naisipan kong maglakad papunta sa bahay ng tita ko. Parang paglalakad yun mula sa SOM 3rd floor papuntang Belarmine 3rd floor. Naging masarap naman ang aking paglalakad lalo na habang umiinom ako ng cookies and cream chillz na nabili ko sa ministop. matagal ko nang kinatatakaman yun kaya lang tinatamad akong maglakad-lakad pa nun.
Nang pauwi na ako sinabayan ako ng tita ko at ng pinsan kong si Ata. Una, nakita namin ang naglalako ng fishball na may kasamang sidekick. Syempre bumili kami. Tiglilimang piso. Bale, sampung pirasong fishball yun pero depende sa combo mo. kung gusto mo may kikiam, piso isa yun. Tita ko ang sa kanya limang piso worth din--walong fishball at isang kikiam. Kami ni ata, tigsampung fishball. Masarap na sana kaya lang, ang tabang ng sawsawan. Yung lasa nya parang masarap dati at dahil masarap yun dati, naisipan siguro ng magsidekick na dagdagan ng tubig para dumami.Oh well, theory ko lang naman yun.
Habang naglalakad (sa totoo lang bago pa pala kami umalis ng bahay nila) nangungulit na si Ata na magchillz sa ministop. Kaya naisipan nalang ng tita ko na imbes sa ministop na 26 pesos ang regular size ng chillz, sa nadaanan naming tindahan na nagtitinda ng shake kami bumili. Nakapaskil sa menu nila ang pearl shake ay sampung piso lang kasama sa listahan ang dose pesos na goto at lumpia ata yun na hindi ko na matandaan ang presyo.O sige, bibili na kami di ba.Shet.Isa lang ang blender na ginagamit nila naubusan pa ng yelo at asukal. Worse, iba-iba pa kami ng flavor. Si Ata, buko pandan. Di ako fan nun eh. Si tita, watermelon. Ako, avocado. Para sa akin kasi safe flavor yun. Sa sampung pisong presyo ng pearl shake nila, di na ako umasang fresh fruit ang gagamitin nila. At di na rin ako nag-expect na meron pa itong sago. Buti na lang di talaga ako nag-expect. Ang mas nakakadisappoint nun ay ang proseso ng paggawa nung babae. Gawa ng 1st flavor shake. salin sa baso. lagay ng malaking straw as if may sago ito. bigay sa customer. luglog ng pitchel ng blender. Gawa ng 2nd flavor shake. salin sa baso. lagay ng malaking straw as if may sago ito. bigay sa customer. luglog ng pitchel ng blender. Gawa ng 3rd flavor shake at yun ay yung in-order ko. Hindi ko alam kung pang-ilan na ang ginawa nyang shake na yun sa iisang pitchel simula ng araw na yun nang walang maayos na paghuhugas dito. Kaya, as expected, ang shake ko ay lasa-ng-lahat-ng-flavors-na-ginawa-nya-dun shake. Biniro ko pa sya "ate lasang buko pandan, watermelon at avocado to ah." Siguro sa isip nya, anong mas gusto ko lasang sabon sa sobrang paglinis nung pitchel bago nya gawin yung shake na in-order ko. Oh well, dami ko pang reklamo eh ininom ko naman din kahit hindi ko ma-explain ang lasa nya pero naiinom naman yung shake.
Tuloy kami sa paglalakad pabalik dito sa bahay. Habang naglalakad, napag-usapan namin ni Tita kung ano kaya ang minerienda ng pinsan kong Ian. Sabi ko siguro, tulog? Wala pa kasi kaming allowance kaya naman di pa kami nakakapag-grocery ulit. Kaya naisipan ng tita ko na bumili na lang ng tinapay sa nadaanan naming bakery. So another stopover. Habang hinihintay ko ang tita ko matapos sa pakikipagnegosasyon sa tindera kung ilang plain na tinapay at spanish bread ang bibilhin nya, napatingin ako sa mga tindera sa talipapang iyon. Dapithapon na pero lahat at abala. Mga kauuwi lang sa opisina bumibili ng uulamin o ipasasalubong.Bumibili sila sa tindera ng saging. lutong ulam. mais. manggang hilaw. manggang hinog. baboy. isda. kwekkwek. fishball. gulay.
Naisip ko sa mga oras na iyon habang abalang abala ang lahat ng tao sa talipapa. Sa karaniwang araw, nanonood ako ng kung anumang movie sa cable habang nakataas ang mga paa sa coffee table at may chicha o di kaya nama'y himbing sa pa sa aking afternoon nap. Nahiya ako sa sarili ko. Hindi ko maipaliwanag yung hiya ko sa lahat ng mga tao doong nagbabanat-buto kanina pa sigurong umaga at umaasa sa mga last-minute buyers at sa kakarampot nilang kita, iuuwi bitbit ang panawid-gutom sa kumakalam na sikmura ng mga naghihintay na kaanak. Nahiya ako. Naturingan pa namang ganito ako tapos batugan. palamunin. umaasa sa iba. sa sobrang palagay ko sa ganung sistema. bihira ako binabagabag. at isa ito sa mga pagkakataong iyon.
Hindi ko man kasing katawan ang mga tao dun sa space cruiseship sa Wall-E. Matagal na pala akong nagbubuhay ganun. Akala ko sa kawalang ginagawa ko ng masama, wala akong naidudulot na masama sa iba. Yun pala, nakadaragdag ako sa unti-unting pagkasira ng balanse ng mundo.
No comments:
Post a Comment