Kagabi sa bahay ako ng aking Tita Vik natulog. Nagdasal kasi kami at pasiyam ng lola ko. Saktong 3:16am nagising ako at di na nakatulog. Nauwi na lang ako sa pagsubok na magblog sa aking phone pero hindi ito gumana at nagcheck na lang din ako ng facebook account ko. Bandang alas kuwatro y media na isipan kong i-type na lang sa aking phone ang iba-blog ko kasama ng oras ng aking pagkaka- "sulat" nito.
4:33am
Nagising ako sa kalaliman ng gabi at di na muling makatulog. Pero naalala kong ikaw ang isa sa laman ng aking isio bago ko ipikit ang aking mga mata gayundin ngayong ito'y mulat na.
Nararamdaman kong ang pagiging masama mo sa akin ay pakitang tao lamang. Ang mga sungay mo ay puno ng pagkukunwari. Ang kalupitan mo sa akin ay bunga ng takot na masaktan ka nang sobra gaya ng naranasan mo mula sa nakaraan at naipatikim ko sa iyo dati. Inaamin kong ilang beses ko nang nasabi sa sarili kong kinamumuhian kita dahil sukdulan ang iyong kasamaan, sagad hanggang buto. Marahil, isa ka talagang magaling na aktor sa isang mapagpanggap na papel.
Puno ka ng kasinungalingan.tungkol sa iyong tunay na identidad, sa estado ng iyong buhay, kahit sa maliliit na bagay gaya ng nawawala kong salamin at sa marami pang ibang bagay. At sa tuwing sumasambulat ang katotohanan sa aking harapan, para akong binubuhusan ng nagyeyelong tubig dulot ng magkahalong gulat at galit.
Pero sa kabila ng lahat ng iyon, naiintindihan kita. Gusto pa rin kitang yakapin at sabihing "okay lang yun. Wag ka nagn matakot, andito na ako sa tabi mo." Gusto pa rin kitang magdamag na makapiling at ilantad muli sa iyo ang aking marupok na kahubdan bilang patunay na sa kabila ng maraming kasinungalingang bumalot sa atin, tunay ang aking nararamdaman.
May Jio man o wala, pipiliin at pipiliin ko pa ring maranasan ang mga sandaling kasama kita. Kung paano lumambot ang mga nagngangalit mong tingin kapag patapos na ang ating pagtatalo. Kung mo hagkang ang aking mga labing napapalooban ng umaapaw na emosyon. Kung paano mo ako lambingin at kulitin pagkatapos mo akong pikunin sa pagn-aasar. Kung paano mo hawakan ang aking kamay at yakapin ang buo kong pagkatao.
Naging magulo man lahat ng namagitan sa atin at dumating man si Jio sa ating dalawa, ayaw kong bitiwan ang kakarampot kong pag-aasa na darating ang panahong aaminin mo sa aking ang lahat ng kabatuhan ng puso na iyong ipinakita ay bahagi lamang ng pagkukubli sa isang malaking hawlang iyong pinagtataguan ng patuloy mong pagtangi sa akin.
Nangangamba lang ako na sa lahat-lahat ng ito, ako pala ay nag-akala nang mali.
No comments:
Post a Comment