Nung tumama ang bagyong Basyang, hindi ko aakalaing magiging malaki ang pananalanta nya sa mga bayang kanyang dadaanan. Grabe ang lakas-lakas ng hangin na kahit bago-bago pa lamang ang aming bahay, tila liliparin na an gaming bubong. Nakakatakot. Sumisipol ang hangin na puno ng panaghoy. Kinakatok nang malakas ang salamin ng aming mga bintana habang nagpupumilit pumasok ang bawat patak ng tubig na kanyang dala-dala.
Pagkatapos ng nakapupuyat na magdamag, mga nagkandabuwal na halaman at isang maghapong walang ilaw ang aming kinaharap. Akala ko mabilis na maibabalik ang kuryente pero mukhang marami talaga ang napinsala. Kung gaano kalawak ang naging epekto ng bagyo? Wala kaming balita. Bago kami kumain ng hapunan, nagyaya si Kuya Egay manood ng sine. Pumunta kami sa Robinson's Metro East. Madilim sa loob nito. Halatang nagtitipid sa kakarampot na kuryenteng naibibigay ng kanilang generator. Patuloy pa rin silang nagpapasok ng mga tao pero walang palabas sa kanilang mga sinehan. Kaya naman lumipat kami sa Sta. Lucia. Yun nga lamang, hindi na talaga sila nagpapapasok. Nahahati na ang kalooban naming manood ng sine o umuwi na lamang. Napagdesisyunang subukin muna naming kung mayroong sine sa Marquinton. Akalain mo sa kaliitan nito, may sine pala sila. Tamang tama namang habang bumibili ng tiket, siya namang pagpunta ng isang empleyado sa ticket booth at sinabing hanggang 9pm lamang ang buong mall dahil na rin sa power generator issues nila. Eh ang last full show ay 8:15pm kaya minabuti ng empleyadong iyon na papasukin na kami kahit nagsimula na ang pelikula at panoorin na lamang ang hindi namin naabutan pagkatapos.
Dahil ang Cinco ay 5-story movie, iyon na lamang ang pinanood namin kaya anu't anupaman ang mangyari, at least siguradong may mabubuo kaming istorya. Limang Storya ito. Braso. Paa. Mata. Mukha. Puso. Naabutan namin patapos na ang Paa. Hindi namin naabutan ang kuwento ng Braso. At nang matapos na ang pelikula, tanging kami na lamang ang naiwan sa loob ng sinehan. Dahil dito, sinabi naming simulan na ang pelikula na sya namang ginawa ng operator. At napanood namin ang hindi namin naabutan. Sa kabuuan, hindi naging ganun kaganda ang pelikula. Lahat nakabibitin pero mahirap nga namang ipagsiksikan ang laman ng bawat istorya sa kakarampot na oras. Pinakanatawa ako sa arte ni Zanjoe bilang Elvis na ginayuma ni Emily na ginagampanan ni Pokwang. Talagang feel na feel nya ang pananakot. Nakakatawa yung mukha nya. Kapag naaalala ko yung itsura nya, nakakatawa talaga.
Pag-uwi namin, tumambad pa rin ang madilim na kapaligiran. Wala pa ring kuryente at inabot ng hanggang alas-12 ng madaling araw bago tuluyang mapawi ang kadiliman ng gabi. Habang naghihintay na magkailaw, marami akong naisip. May mga lugar sa Pilipinas na bumagyo man o hindi, wala silang kuryente. Ang nararanasan kong pagkairita sa kawalan ng ilaw, ang pangangagat ng mga insekto, ang kainitan ng kapaligiran. Lahat ng iyon ay kinamulatan na nila at marahil, sa ganung sitwasyon na rin sila mamamatay. Nakalulungkot isiping pagpunta namin ng mall, maraming maraming tao ang hindi rin sanay mawalan ng ilaw. Punong puno ang Starbucks ng mga taong may kayang bumili ng mamahaling kape para makapagcharge ng sari-sari nilang gadgets. Punong puno rin ang Ministop para sa kanilang battery charging station. Gayundin ang Mcdo, Jollibee at iba pang fastfood chains. At sa aking pagkakahiga, habang matyagang nagpapaypay ng abanikong nabili ng aking Tatay ng minsang magsimba kami sa Antipolo, paulit-ulit na tumatakbo sa aking isip na dumating man ang bagyong gaya ni Basyang o hindi, may mga taong hindi nakatitikim ng luho ng kuryente. Oo. Luho pala ang kuryente. Kaya tayong nakatira sa mga siyudad at naabot ng kapangyarihan ng power generation plants, transmission companies at power distributors, malaki ang dapat nating ipagpasalamat sa kaginhawaang natatamasa natin sa araw-araw hindi man natin halata.
No comments:
Post a Comment