Maraming kulay ang bahaghari—pula, kahel, dilaw, berde, bughaw, indigo at violet. Sa lahat ng iyon, kahel ang pinakamasayang kulay para sa akin. Matingkad at masarap tingnan.
Iyon lang ang nakikita ng marami sa akin—ang kahel na bahagi ng aking mundo. Walang nakakakilala talaga kung sino ako. Wala kahit isa. at bubuhayin ko kayo sa paniniwalang iyon. Bubulagin ko ang inyong mga mata sa pagtingin sa kahel kong mundo hanggang mas maramdaman niyo sa kaibuturan ng inyong puso na hindi talaga ganun. Hindi talaga…
Sa kahel kong mundo, malungkot.
Ang pagharap. Marahil, maraming bakas ang nakaraang taon na siyang dahilan ng maraming bahid sa pagharap ko sa panibagong taong ito. Gusto kong linisin na ang buhay ko. Ayusin ang mga mapanirang nagawa, ituwid ang mga baluktot na pananaw at harapin ang lahat ng aking kinatatakutan. Pero saan ako magsisimula. Medyo nawawalan na ako nang gana, ng lakas ng loob, ng drive.
Nabubuhay ako sa mundo ng aking panaginip. Puno ng pagtakas. Puno ng saya. Nakakatakot. Nararamdaman kong lumalala nang lumalala ang aking mga problema. Ang patapon ko na. hindi ito tama.
Ang pagtutuos. Sana gaya ng pagsubok kong maayos ang blog ko, maayos ko na rin ang buhay ko. Kailangan kong harapin lahat ng kinatatakutan ko lalo na sa usaping pang-akademiko. Marami akong binigyang daan kaya masyado akong naging pabaya. Wala kasi akong nakikitang pinatutunguhan ng buhay ko at sablay yun. Oo, inaamin ko na, mahina ako.
Ang pagpapatuloy. Resiliency. Ang pagtayo pagkatapos lumagapak. Sa tuwing umaasa ako, napagtatanto kong hindi pala talaga ako umaaasa. Pakiramdam ko lang na ganun nga. Hanggang isip lang ako, wala namang gawa. Ang kabiguan ay isang estado. Pinipili mo iyon. Pinipili mong maging ganun. Aalis na ako sa estadong iyon. Hindi pa huli ang lahat. At naniniwala akong hindi pa nga huli ang lahat.
No comments:
Post a Comment