Takut aku!
Maraming nag-aakalang isa akong matatag na nilalang—isang taong kahit ingudngud mo sa putikan ng problema at kaladkarin mo sa tinik ng kalbaryo ay tatayo pa rin at ngingiti. Siguro ganun ako ka-plastic para magawa iyon pero hindi talaga ako ganun.
Nung mga nakaraang linggo, naisip ko nang wakasan ang aking buhay. Yun lang ang naisip ko kasing solusyon. Nawalan ako ng scholarship. Ang saklap di ba? Sasabayan pa iyon ng mga pangungulit ng mga tao para sa iba pang nakabimbin mong responsibilidad. Wala akong balak takasan ang mga iyon (pero inaamin kong naiisip ko nang wakasan mismo ang mga responsibilidad na iyon) nagkataon lamang na nararamdaman kong buhat-buhat ko sa aking likod ang lahat ng problema sa mundo. Kaya para sa mga taong bumaba ang tingin sa akin at nabigo ko sila, pasensya. Ganun ako ka-depress.
In fairness sa mga nagpapakamatay, hindi sa ipinagtatanggol ko sila at kinukunsinte ang kanilang kamalian, may pinaghuhugutan silang malamin na problema. Madaling sabihing "yun lang?!kaya sila papakakamatay?!" yun lang?! naririnig mo ba ang sarili mong tinatanong ito sa kanila? Eh kung ganun nga, ikaw kaya ang magdala ng problema nila. Ikaw kaya ang ma-rape, ma-bankrupt, magoyo ng asawa o magkaroon ng identity crisis? Hindi madali iyon lalo na kung nararamdaman mo pang nag-iisa ka.
Kung nagpakamatay ako, marami akong mamimiss. Hindi ko malalamang tuloy ang winning streak (anim na beses na! Yehey!) nang nanalo na naman ang Matanglawin Second Issue sa Gawad Ernesto Rodriguez, Jr ng BEST Magazine. Hindi ko magiging guro si Dr. Soledad Reyes at makakasama si Rb araw-araw.yihee. Hindi ko malalamang kaya ko palang lagpasan ang mga pagsubok na iyon nang taas-noo. Hindi ko malalamang mahal pala talaga ako ng Diyos.
Marami akong dahilan kung bakit hindi ko itinuloy yun. Una, marami akong responsibilidad. May ganito akong posisyon sa ganitong organisasyon at ganun naman sa isa. Pati na rin sa aking mga kapamilya at mga taong nakapaligid sa akin. Pangalawa, wala akong oras. Abala ako sa pagpunta sa kung saan-saan at pag-iisip sa mga bagay-bagay. At ngayong may part-time job ako. Pangatlo, ayaw kong iwan ang mga taong nagpapalakas sa aking loob dahil alam kong mabibigo at masasaktan ko sila kapag nangyari yun. Huli, wala kasi akong karapatan.
Sino ako para wakasan ang buhay ko habang may tao ang halos dasalan na lahat ng santo sa langit para lang madagdagan ang kahit isang araw ang kanilang buhay? Sino ako para magpakamatay dahil nawalan ako ng scholarship na kung tutuusin ay wala sa kalingkingan ng ipinag-aalala ng isang nanay na hindi alam kung saan kukunin ang ipambibili ng gatas sa ngumangawa niyang anak? Sino ako para isiping pagtapos na ang buhay ko ay tapos na rin ang kalbaryo ng ibang malapit sa akin? Pamumugtuin ko ang kanilang mga mata (assuming na maiiyak sila) at iiwanan ng masasayang alaala para malungkot lang dahil habambuhay na nila akong hindi makikita? Sino ako para isiping akin ang buhay na ito? Shucks.
Sa mga panahong naisip kong magpakamatay, nakalimutan kong isiping nandyan si God… Grabeng galing ni God. Nang malaman kong bagsak ako, naisip kong magpart-time job. Habang iniisip ko iyon, tumunog ang telepono. Isang offer ng trabaho ang aking natanggap. Alam kong si God ang may pakana nito. Astig talaga Siya. Oo,takot pa rin ako dahil mahina ako. Pero andyan si Lord. Promise di ka Niya pababayaan. Nung sobrang sablay ng buhay ko, hindi ko inaakalang kaya pang gumanda ng buhay ko. Pero eto ulit ako, masaya at nangangarap. Magagawa ko pa ba ang mga ito kung patay na ako? Winner talaga si Lord. Swear.
No comments:
Post a Comment