Kung ako'y mamamatay ngayon,
Hayaan mong malanghap ko sa kahuli-hulihang pagkakataon ang usok ng Maynila
Mairita't marindi sa nakabibinging pitpitan ng mga sasakyan at tsismisan ng mga kapitbahay
Taasan ng dugo sa patuloy na pagbulusok pababa ng mahal kong mundo
Kung ako'y mamamatay ngayon,
Hayaan mong salubungin ko ang araw ng luha at ang gabi ng kawalang pag-asa
Lunurin sa alak ang tiyan at sunugin ang baga sa usok
Patayin ang aking kamusmusan
Kung ako'y mamamatay ngayon,
Hayaan mo ako.
Dahil ngayon na ang ngayon na iyon.
Ang ngayon na kanina'y kinabukasan pa at sa ilang paggalaw ng kamay ay magiging kahapon din
Mamamatay na ako at iiwan ang lahat ng karungisan at kagaanan ng aking kabataan
At sa aking pagyao'y tangan ko ang mga alaalang ito ng nakaraan
Sa aking pagkamatay, bubungad ang bagong mundo.
Mas marahas at mas masalimuot.
Handa na ba ako?
Walang pakialam ang oras
At sa bagong mundong ito, mas marahas at mas masalimuot,
Hayaan mo akong umasang hindi na malanghap ang usok ng Maynila
Makakita ng kapayapaan sa nakabibinging pitpitan ng mga sasakyan at tsismisan ng mga kapitbahay
Ipanalanging umunlad ang mahal kong bayan
Aasang sa pagsalubong sa araw ay ngiti ang bitbit na tatagal hanggang sa takipsilim
At sa dilim ng gabi ay makikita ang kagandahan ng liwanag ng buwan
Sa aking pagpanaw, mamumukadkad ang mahalimuyak na samyong mula sa bagong mundo
Mas marahas at mas masalimuot.
No comments:
Post a Comment