Kumusta naman ang matagal kong hindi pagsusulat? Nakakairita kasi ang dami-dami pa namang nangyari sa aking buhay noong mga nakaraang araw. Kuwento ko muna ang aking pagkawarak noong isang araw. Nakakahiya at pasensya talaga sa inyo. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala sa mga sinabi at nangyari nung gabing iyon. Eto yung kauna-unahang pagkakataong wala akong maalala sa aking mga pinaggagawa. Nakakahiya talaga. Benta sa akin yung dalawa sa mga sinabi ko (daw). Una, “promise hindi na ako magdadadadaldal…” saka yung “I still love you and stuff like that” Kumusta naman yun…
Ayos naman ang buhay ko. Masaya, sa ngayon. Pero sa mga darating na araw, alam kong maraming paparating na unos at natatakot akong harapin ang mga iyon. Sana, manatili lang akong matatag. Kasi palagay ko malapit na akong bumigay. Malapit na akong sumuko. Hay…
Grabe, meron pa lang terminong seasonal affective disorder. May nagtanong kasi tungkol sa pagkatamad ng mga tao kapag umuulan. Ang sinag pala ng araw ay isang anti-depressant at kaya naman, kapag maulan ang mga tao ay laging inaantok, matamlay, tinatamad at nalulungkot. At aminado akong inaatake ako nito.
Inaantok. Lagi naman akong inaantok kapag umaga kasi isa nga akong nocturnal na nilalang. Ka-level ko sina Dracula at si kabagang Jaime ng “Games Uplate Live…”
Matamlay. Na-drain ako sa ginawang pangingiliti ng dalawa kong kaibigan. Grabe talaga yun. Alam mo yung pakiramdam na wala ka nang magawa kasi hinawakan na nila yung kamay ko at hindi na ako makapalag dahil patuloy akong kinikiliti. Ewan ko ba, dyina-jabar na nga ako hindi pa rin tumitigil. Sabi ko sa kanila, isusumbong ko sila sa aking mga blockmates. Tapos, nung ini-imagine naming yun, lalo lang akong tumamlay. Ang pangit kasi eh. Biruin, tatambangan ka para lang kilitiin. Mas tanggap ko pa kung sasaktan ka nila pero yung kikilitiin? Parang may mali eh. At hanggang ngayon, hindi ko pa nababawi ang aking mga nawalang lakas.
Tinatamad. Tinatamad na akong mag-isip, magbasa, maligo, kumain at magmahal. Hehe. Nilagay ko yung huli para lang dramatic. Lalo na ngayong umuulan, talagang nakatatamad magkikilos. Sana may pasok na para naman may silbi ang aking buhay. At hindi ako nagkukulong dito sa bahay…
Nalulungkot. Ewan ko ba? Lagi kong nararamdaman na malaki yung kulang sa buhay ko. Ilang buwan na rin nung huling beses akong umiyak pero wala pa rin. May bigat sa aking loob. Unexplainable
Sana haring araw, lumabas ka na at pagalingin ang mga tao mula sa Seasonal Affective disorder na ito.
---------- isang kaisipang bumabagabag sa akin:
Sabi nung isa kong kaibigan madalas yung mga bagay na hindi natin sineseryoso o ginagawa nating laro, ito yung talagang tumatagos sa ating puso. Marahil, tama siya. Mahilig ako sa mga ganito at ngayon, parang ayaw ko na at gusto ko nang tumigil makipaglaro.
Kaya lang, tinatamad ako eh.
Tsktsk. Langit, umaraw ka na please.
Flash news: Wala ulet klase, Amfufufu
No comments:
Post a Comment