Ayaw ko na sanang magsulat tungkol sa usaping puso at relasyon sapagkat sukang suka na ang blogsite na ito sa ganitong klaseng usapin. Sa kabila nito, marami akong nilulutong ideya na hindi pa maaaring ihain. Hayaan nyo munang ibahagi ko ang emosyong parang bugso ng ulang bumabaha ngayon sa aking pag-iisip.
Oh well, itago na lang natin siya sa pangalang Dodong. Siya kasi yung lalaking nagpapasakit ng ulo ko at nagpapasikip ng dibdib ko. Bagama't hindi nya ramdam na ganito ang epekto nya sa akin, umaasa ako na hindi siya gaanong manhid para maramdaman naman niya at maisip na ganun sya kahalaga sa akin.
Naalala ko pa nung una kong nakilala si Dodong. Nabighani raw sya sa nangungusap kong mga mata. Nabighani naman ako sa kanya dahil sa kakaibang espiritung sumanib sa akin, bukod sa kalbo sya. Nangyari ang pagtatagpong iyon sa gitna ng malamig at nakapangungulilang gabi.
Hindi ko sasabihing guwapo sya sapagka't ayaw kong magsinungaling. Katamtaman ang kanyang laki, tipikal na Pilipino. Gayot ang pangangatawan nya nung una ko siyang nakilala bunga ito ng kanyang pag-eehersisyo sa gym. May mahaba siyang balbas at kung naisipan nya'y nagpapatubo rin siya ng bigote. Malalaki at bilugan ang kanyang mga mata. Nakahihindik kapag ginamit nya ang mga ito para ika'y takutin. Sa kabuuan ang itsura nya'y mailalagay natin sa kategoryang, puwede na.
Sa kabila ng kanyang pagkukulang sa kagandahang lalaki, lubos naman itong pinunuan ng matikas nyang personalidad. Madiskarte. Malakas ang loob. Malawak ang pag-iisip. May magandang pananaw sa hinaharap. Sa tingin ko ito ang mga dahilan kung bakit gusto ko siya.
Gusto ko si Dodong kausap kasi marami akong napupulot sa kanya. Hindi man lahat aral at kung minsan ay nararamdaman kong gawa-gawa lamang nya ang mga kuwento nya, may laman siyang kausap. Kahit lagi nya akong nilalait, pabiro man ito o hindi, yung pagiging madaldal nya at pagkakataon kong manahimik at makinig ang mas lalong pinananabikan ko sa tuwing kami'y nag-uusap. Maraming bagay pa ang hindi ko alam tungkol sa kanya, lalong maraming maraming bagay ang hindi nya alam tungkol sa akin. Sa kabila ng pagiging bukas nya sa kanyang mga saloobin, wala naman akong balak buksan ang sarili kong paraan ng pagramdam at pag-iisip sa kanya nang basta-basta. Gusto ko si Dodong ay maniwalang gaya ng ibang mga babae, ako ay mahina, walang sariling desisyon at kaya nyang manipulahin. Gusto kong maniwala syang magagawa nya ang mundo ko ay umikot sa kanyang eksistensya. Tingin ko, sa ngayon, ito ang kanyang pinaniniwalaan.
Si Dodong, sa lahat ng gusto kong paniwalaan nya tungkol sa akin, ay nagawang paniwalain din ako na tunay ngang ganun ako. Mahina. Walang sariling desisyon. Kaya nyang manipulahin. Tila isang robot na kaya nyang i-program para mabuhay sa mundong umiikot sa kanyang mga kagustuhan at pamamaraan. Si Dodong ay may malakas na kapangyarihang inuupos ang kagalingan kong pangunahan ang aking isip sa pagkontrol sa aking puso. Tinatalo nya ako sa lihim naming pagtutunggali. At sa laban na ito, tingin ko...
Si Dodong ay unti-unting nananalo dahil hindi nawawala ang pagnanais ko na siya ay makasama palagi. Araw-araw. Gabi-gabi. Lalo na sa gitna ng panlalamig at pangungulila.
No comments:
Post a Comment