Adik ako sa Hany. Hehe. Alam nyo yun? Para siyang chocnut pero mas malaki at mas panget ang pagkakahulma.
Buo na ang araw ko kapag nakakain na ako ng lima o higit pang Hany sa isang araw. Kanina, sinuong ko ang malakas na buhos ng ulan habang nilalabanan ang pambubuyo ng nagngingitngit na hangin para lamang makabili ng limang Hany. Bago yun…
Gulong gulo ako kasi parang naging hobby na ng mga kapitbahay namin ang magpatayo ng tindahan. Ang katabi naming bahay na kabarkada ng kapatid ko ay may tindahan. Mga ilang hakbang papuntang kaliwa, ang kababayan naming Zambal na si Manang ay may tindahan, na may katapat na tindahang pag-aari naman ng masungit na si Aling Ping. Mga isa’t kalahating metro pakanan naman ay ang kinalakhan ko nang tindahan na si Aling Kunching. Teka lang, hindi mo na kailangan pang lumingo pakanan o pakaliwa dahil ang katapat naming bahay, na matagal na rin naming kapitbahay, ay may tindahan din.
Parang walang ibang puwedeng business sa lugar namin kung hindi tindahan. Sige lang, kung saan sila masaya.
Naisip kong sa kababayan na lang naming si Manang ako bibili. Si Ate Malou at ang napakalusog na anak nitong si Diego ang nagbabantay ng tindahan. Pero wala na yung relevance sa kuwentong Hany ko.
Sabi ko, “may Hany po ba kayo?”
Sabi ni Ate Malou, “Meron.” Naks. Para pa lang Philo. Buti hindi niya sinabi na “Walang wala” kundi hihimatayin ako.
Sabi niya, “Ilan?”
Sabi ko, “lima po.” Sabay abot niya sa akin ng tatlong Hany at dalawang V-fresh.
Pabiro kong sinabi, “eh V-fresh po yan eh.” Di syempre, pinalitan niya ng Hany.
Sa pagdadamot ko, hinintay ko munang matapos ang PBB at Princess Hours bago ko inilabas ang aking Hany. Una, isa lang para kunwari yun lang ang pagkain ko. May kakaiba siyang lasa. May mint. Pinatikim ko sa kapatid at pinsan ko. Confirmed! May kakaiba siyang lasa. Nakalulungkot dahil first traumatic experience with Hany.
Lesson Learned:
Paghiwalayin ng lalagyan ang V-fresh at Hany dahil nagkakahawaan sila. Saka, huwag maging madamot.