Ilang araw nang umuulan nang malakas. Sobrang pino ng mga patak at bulto-bulto talaga ang pagbuhos. Sasamahan pa ito ng malalakas at nakabibinging kulog.
Kanina ang lakas ng ulan. Gusto ko ng ulan lalo na ito ang nagsisilbing hudyat ng pagtatapos ng nakapapasong init ng summer. Makatutulog na ako ng mahimbing kagabi kasi mas madaling palamigin ng airconditioner ang kuwarto kapag panahon ng tag-ulan. Kung minsan di na nga ito kailangang buksan pa basta bukas lang ang mga bintana.
Pero ayoko sa ulan dahil sa maraming bagay. Kahit ayaw kong isipin, naaalala ko ang bagyong Ondoy lalo na kapag nagsisimula nang bumaha sa tapat ng bahay namin. Kahit bagong ayos ang kalsada at drainage system dito sa amin, masyado pa ring mababa ang aming lugar kaya naman para kaming catch basin kapag bumuhos na ang ulan. Pero di gaya ng dati, mabilis na itong humupa.
Ayoko sa ulan dahil nakakapagpalungkot ito. May naaalala ako kapag bumubuhos ang ulan. Marami akong naaalala. Pero sa maraming mapapait na alaalang dala ang ulan, ang masayang alaala namin ang pinakamalungkot. Naaalala pa kaya nya yung pagbaba namin ng bus at unti-unting pumatak ang ulan? Wala kaming payong nun kaya dali-dali nyang nilabas ang kanyang panyo at ipinandong sa aking ulo sabay yakap-yakap nya akong iniakay patakbo sa malapit na masisilungan pero walang malapit.Nabasa rin kami ng unti-unti nang lumalakas na pagbuhos pero wala na akong pakialam kasi masaya ako nun. Kasi magkasama kami. Kaya ayoko sa ulan dahil naaalala ko yun. At kapag may naaalala ako tungkol sa amin, ayoko dahil naiintindihan ko na kung bakit ganun na lamang ang pagtatangi nyang huwag akong mawala sa buhay nyo. At sa pagkakaintindi kong ito, lalo kong napagtantong hindi na talaga puwede sa ngayon o sa nalalapit na hinaharap. May kanya-kanya na kaming buhay na tinatahak. At sa tuwing napagtatanto ko ang mga bagay na ito, ayokong aminin sa sarili kong ako ay nanghihinayang. Nanghihinayang sa mga magagandang alaala naming natuldukan, sa pag-aakala nyang kami na hanggang sa huli, sa pag-aakala kong kaya kong maging matatag para sa kanya. Ayokong amining may pagsisisi sa pinakaibuturan ng aking damdamin at pagnanais na mapasaakin sya muli.
Kaya ayoko sa ulan.
Nakakabasa ang ulan.
Nababasa nya ang aking mga mata ng mga patak ng luha.