Monday, July 26, 2010

Si PNoy at ang kanyang SONA

Eto ang kopya at naka-bold font ang mga paborito kong linya nya

******************************************************

State of the Nation Address of His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
to the Congress of the Philippines
Session Hall of the House of Representatives
July 26, 2010

AQUINO DELIVERS FIRST SONA

Speaker Feliciano Belmonte; Senate President Juan Ponce Enrile; Vice President Jejomar Binay; Chief Justice Renato Corona; Former Presidents Fidel Valdez Ramos and Joseph Ejercito Estrada; members of the House of Representatives and the Senate; distinguished members of the diplomatic corps; my fellow workers in government;
Mga minamahal kong kababayan:
Sa bawat sandali po ng pamamahala ay nahaharap tayo sa isang sangandaan.
Sa isang banda po ay ang pagpili para sa ikabubuti ng taumbayan. Ang pagtanaw sa interes ng nakakarami; ang pagkapit sa prinsipyo; at ang pagiging tapat sa sinumpaan nating tungkulin bilang lingkod-bayan. Ito po ang tuwid na daan.
Sa kabilang banda ay ang pag-una sa pansariling interes. Ang pagpapaalipin sa pulitikal na konsiderasyon, at pagsasakripisyo ng kapakanan ng taumbayan. Ito po ang baluktot na daan.

GOV'T HAS LONG STRAYED TO THE CROOKED PATH
Matagal pong naligaw ang pamahalaan sa daang baluktot. Araw-araw po, lalong lumilinaw sa akin ang lawak ng problemang ating namana. Damang-dama ko ang bigat ng aking responsibilidad.
Sa unang tatlong linggo ng aming panunungkulan, marami po kaming natuklasan. Nais ko pong ipahayag sa inyo ang iilan lamang sa mga namana nating suliranin at ang ginagawa naming hakbang para lutasin ang mga ito.

RP'S PROBLEMS WIDE-RANGING; TRUE STATE OF THE NATION KEPT SECRET FROM THE PUBLIC
Sulyap lamang po ito; hindi pa ito ang lahat ng problemang haharapin natin. Inilihim at sadyang iniligaw ang sambayanan sa totoong kalagayan ng ating bansa.
PROBLEMA SA BUDGET

Sa unang anim na buwan ng taon, mas malaki ang ginastos ng gobyerno kaysa sa pumasok na kita. Lalong lumaki ang deficit natin, na umakyat na sa 196.7 billion pesos. Sa target na kuleksyon, kinapos tayo ng 23.8 billion pesos; ang tinataya namang gastos, nalagpasan natin ng 45.1 billion pesos.
Ang budget po sa 2010 ay 1.54 trillion pesos.

Nasa isandaang bilyong piso o anim at kalahating porsyento na lang ng kabuuan ang malaya nating magagamit para sa nalalabing anim na buwan ng taong ito.
Halos isang porsyento na lang po ng kabuuang budget ang natitira para sa bawat buwan.
Saan naman po dinala ang pera?

CALAMITY FUND
Naglaan ng dalawang bilyong piso na Calamity Fund bilang paghahanda para sa mga kalamidad na hindi pa nangyayari. Napakaliit na nga po ng pondong ito, ngunit kapapasok pa lang natin sa panahon ng baha at bagyo, 1.4 billion pesos o sitenta porsyento na ang nagastos.
Sa kabuuan ng 108 million pesos para sa lalawigan ng Pampanga, 105 million pesos nito ay napunta sa iisang distrito lamang.

ONE DISTRICT IN PAMPANGA GOT P105M; PANGASINAN ONLY GOT P5M FOR 2008 CALAMITY
Samantala, ang lalawigan ng Pangasinan na sinalanta ng Pepeng ay nakatanggap ng limang milyong piso lamang para sa pinsalang idinulot ng bagyong Cosme, na nangyari noong 2008 pa.


FUNDS FOR PAMPANGA GIVEN ON ELECTION MONTH, 7 MOS. AFTER "ONDOY", "PEPENG"
Ibinigay po ang pondo ng Pampanga sa buwan ng eleksyon, pitong buwan pagkatapos ng Ondoy at Pepeng. Paano kung bumagyo bukas? Inubos na ang pondo nito para sa bagyong nangyari noong isang taon pa. Pagbabayaran ng kinabukasan ang kasakiman ng nakaraan.
MWSS

Ganyan din po ang nangyari sa pondo ng MWSS. Kamakailan lamang, pumipila ang mga tao para lang makakuha ng tubig. Sa kabila nito, minabuti pa ng liderato ng MWSS na magbigay ng gantimpala sa sarili kahit hindi pa nababayaran ang pensyon ng mga retiradong empleyado.
Noong 2009, ang buong payroll ng MWSS ay 51.4 million pesos. Pero hindi lang naman po ito ang sahod nila; may mga additional allowances at benefits pa sila na aabot sa 160.1 million pesos. Sa madaling sabi, nakatanggap sila ng 211.5 million pesos noong nakaraang taon. Beinte-kuwatro porsyento lang nito ang normal na sahod, at sitenta'y sais porsyento ang dagdag.
Ang karaniwang manggagawa hanggang 13th month pay plus cash gift lang ang nakukuha. Sa MWSS, aabot sa katumbas ng mahigit sa tatlumpung buwan ang sahod kasama na ang lahat ng mga bonuses at allowances na nakuha nila.
Mas matindi po ang natuklasan natin sa pasahod ng kanilang Board of Trustees. Tingnan po natin ang mga allowances na tinatanggap nila:
Umupo ka lang sa Board of Trustees at Board Committee meeting, katorse mil na. Aabot ng nobenta'y otso mil ito kada buwan. May grocery incentive pa sila na otsenta mil kada taon.
Hindi lang iyon: may mid-year bonus, productivity bonus, anniversary bonus, year-end bonus, at Financial Assistance. May Christmas bonus na, may Additional Christmas Package pa. Kada isa sa mga ito, nobenta'y otso mil.
Sa suma total po, aabot ang lahat ng dalawa't kalahating milyong piso kada taon sa bawat miyembro ng Board maliban sa pakotse, technical assistance, at pautang. Uulitin ko po. Lahat ng ito ay ibinibigay nila sa kanilang mga sarili habang hindi pa nababayaran ang mga pensyon ng kanilang mga retirees.
Pati po ang La Mesa Watershed ay hindi nila pinatawad. Para magkaroon ng tamang supply ng tubig, kailangang alagaan ang mga watershed. Sa watershed, puno ang kailangan. Pati po iyon na dapat puno ang nakatayo, tinayuan nila ng bahay para sa matataas na opisyal ng MWSS.
Hindi naman sila agad maaalis sa puwesto dahil kabilang sila sa mga Midnight Appointees ni dating Pangulong Arroyo. Iniimbestigahan na natin ang lahat nang ito. Kung mayroon pa silang kahit kaunting hiya na natitira - sana kusa na lang silang magbitiw sa puwesto.

ROAD USERS' FUND
Pag-usapan naman po natin ang pondo para sa imprastruktura. Tumukoy ang DPWH ng dalawandaan apatnapu't anim na priority safety projects na popondohan ng Motor Vehicle Users Charge. Mangangailangan po ito ng budget na 425 million pesos.
Ang pinondohan po, dalawampu't walong proyekto lang. Kinalimutan po ang dalawandaan at labing walong proyekto at pinalitan ng pitumpung proyekto na wala naman sa plano. Ang hininging 425 million pesos, naging 480 million pesos pa, lumaki lalo dahil sa mga proyektong sa piling-piling mga benepisyaryo lang napunta.
Mga proyekto po itong walang saysay, hindi pinag-aralan at hindi pinaghandaan, kaya parang kabuteng sumusulpot.
Tapos na po ang panahon para dito. Sa administrasyon po natin, walang kota-kota, walang tongpats, ang pera ng taumbayan ay gagastusin para sa taumbayan lamang.

NEGOTIATED CONTRACTS
Meron pa po tayong natuklasan. Limang araw bago matapos ang termino ng nakaraang administrasyon, nagpautos silang maglabas ng 3.5 billion pesos para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta nina Ondoy at Pepeng.
Walumpu't anim na proyekto ang paglalaanan dapat nito na hindi na sana idadaan sa public bidding. Labingsiyam sa mga ito na nagkakahalaga ng 981 million pesos ang muntik nang makalusot. Hindi pa nailalabas ang Special Allotment Release Order ay pirmado na ang mga kontrata.
Buti na lang po ay natuklasan at pinigilan ito ni Secretary Rogelio Singson ng DPWH. Ngayon po ay dadaan na ang kabuuan ng 3.5 billion pesos sa tapat na bidding, at magagamit na ang pondo na ito sa pagbibigay ng lingap sa mga nawalan ng tahanan dahil kina Ondoy at Pepeng.

NAPOCOR
Pag-usapan naman natin ang nangyari sa NAPOCOR. Noong 2001 hanggang 2004, pinilit ng gobyerno ang NAPOCOR na magbenta ng kuryente nang palugi para hindi tumaas ang presyo. Tila ang dahilan: pinaghahandaan na nila ang eleksyon.
Dahil dito, noong 2004, sumagad ang pagkakabaon sa utang ng NAPOCOR. Napilitan ang pambansang gobyerno na sagutin ang dalawandaang bilyong pisong utang nito.
Ang inakala ng taumbayan na natipid nila sa kuryente ay binabayaran din natin mula sa kaban ng bayan. May gastos na tayo sa kuryente, binabayaran pa natin ang dagdag na pagkakautang ng gobyerno.
Kung naging matino ang pag-utang, sana'y nadagdagan ang ating kasiguruhan sa supply ng kuryente. Pero ang desisyon ay ibinatay sa maling pulitika, at hindi sa pangangailangan ng taumbayan. Ang taumbayan, matapos pinagsakripisyo ay lalo pang pinahirapan.

MRT
Ganito rin po ang nangyari sa MRT. Sinubukan na namang bilhin ang ating pagmamahal. Pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe.
Hindi tuloy nagampanan ang garantiyang ibinigay sa operator na mababawi nila ang kanilang puhunan. Dahil dito, inutusan ang Landbank at Development Bank of the Philippines na bilhin ang MRT.
Ang pera ng taumbayan, ipinagpalit sa isang naluluging operasyon.

NFA
Dumako naman po tayo sa pondo ng NFA.
Noong 2004: 117,000 metric tons ang pagkukulang ng supply ng Pilipinas. Ang binili nila, 900,000 metric tons. Kahit ulitin mo pa ng mahigit pitong beses ang pagkukulang, sobra pa rin ang binili nila.
Noong 2007: 589,000 metric tons ang pagkukulang ng supply sa Pilipinas. Ang binili nila, 1.827 million metric tons. Kahit ulitin mo pa ng mahigit tatlong beses ang pagkukulang, sobra na naman ang binili nila.
Ang masakit nito, dahil sobra-sobra ang binibili nila taun-taon, nabubulok lang pala sa mga kamalig ang bigas, kagaya ng nangyari noong 2008.
Hindi po ba krimen ito, na hinahayaan nilang mabulok ang bigas, sa kabila ng apat na milyong Pilipinong hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw?
Ang resulta nito, umabot na sa 171.6 billion pesos ang utang ng NFA noong Mayo ng taong ito.
Ang tinapon na ito, halos puwede na sanang pondohan ang mga sumusunod:
Ang budget ng buong Hudikatura, na 12.7 billion pesos sa taong ito.
Ang Conditional Cash Transfers para sa susunod na taon, na nagkakahalaga ng 29.6 billion pesos.
Ang lahat ng classroom na kailangan ng ating bansa, na nagkakahalaga ng 130 billion pesos.
Kasuklam-suklam ang kalakarang ito. Pera na, naging bato pa.

ZERO BUDGET
Narinig po ninyo kung paano nilustay ang kaban ng bayan. Ang malinaw po sa ngayon: ang anumang pagbabago ay magmumula sa pagsiguro natin na magwawakas na ang pagiging maluho at pagwawaldas.
Kaya nga po mula ngayon: ititigil na natin ang paglulustay sa salapi ng bayan. Tatanggalin natin ang mga proyektong mali.
Ito po ang punto ng tinatawag nating zero-based approach sa ating budget. Ang naging kalakaran po, taun-taon ay inuulit lamang ang budget na puno ng tagas. Dadagdagan lang nang konti, puwede na.
Sa susunod na buwan ay maghahain tayo ng budget na kumikilala nang tama sa mga problema, at magtutuon din ng pansin sa tamang solusyon.

IMMEDIATE STEPS
TAX EVASION
Ilan lang ito sa mga natuklasan nating problema. Heto naman po ang ilang halimbawa ng mga hakbang na ginagawa natin.
Nandiyan po ang kaso ng isang may-ari ng sanglaan. Bumili siya ng sasakyang tinatayang nasa dalawampu't anim na milyong piso ang halaga.
Kung kaya mong bumili ng Lamborghini, bakit hindi mo kayang magbayad ng buwis?
Nasampahan na po ito ng kaso. Sa pangunguna nina Finance Secretary Cesar Purisima, Justice Secretary Leila de Lima, BIR Commissioner Kim Henares at Customs Commissioner Lito Alvarez, bawat linggo po ay may bago tayong kasong isinasampa kontra sa mga smuggler at sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis.

EXTRALEGAL KILLINGS
Natukoy na rin po ang salarin sa mga kaso nina Francisco Baldomero, Jose Daguio at Miguel Belen, tatlo sa anim na insidente ng extralegal killings mula nang umupo tayo.
Singkuwenta porsyento po ng mga insidente ng extralegal killings ang patungo na sa kanilang resolusyon.
Ang natitira pong kalahati ay hindi natin tatantanan ang pag-usig hanggang makamit ang katarungan.

TRUTH COMMISSION
Pananagutin natin ang mga mamamatay-tao. Pananagutin din natin ang mga corrupt sa gobyerno.
Nagsimula nang mabuo ang ating Truth Commission, sa pangunguna ni dating Chief Justice Hilario Davide. Hahanapin natin ang katotohanan sa mga nangyari diumanong katiwalian noong nakaraang siyam na taon.
Sa loob ng linggong ito, pipirmahan ko ang kauna-unahang Executive Order na nagtatalaga sa pagbuo nitong Truth Commission.

PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIPS
Kung ang sagot sa kawalan ng katarungan ay pananagutan, ang sagot naman sa kakulangan natin sa pondo ay mga makabago at malikhaing paraan para tugunan ang mga pagkatagal-tagal nang problema.
Napakarami po ng ating pangangailangan: mula sa edukasyon, imprastruktura, pangkalusugan, pangangailangan ng militar at kapulisan, at marami pang iba. Hindi kakasya ang pondo para mapunan ang lahat ng ito.
Kahit gaano po kalaki ang kakulangan para mapunan ang mga listahan ng ating pangangailangan, ganado pa rin ako dahil marami nang nagpakita ng panibagong interes at kumpyansa sa Pilipinas.
Ito ang magiging solusyon: mga Public-Private Partnerships. Kahit wala pa pong pirmahang nangyayari dito, masasabi kong maganda ang magiging bunga ng maraming usapin ukol dito.
May mga nagpakita na po ng interes, gustong magtayo ng expressway na mula Maynila, tatahak ng Bulacan, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, hanggang sa dulo ng Cagayan Valley nang hindi gugugol ang estado kahit na po piso.
Sa larangan ng ating Sandatahang Lakas:
Mayroon po tayong 36,000 nautical miles ng baybayin. Ang mayroon lamang tayo: tatlumpu't dalawang barko. Itong mga barkong ito, panahon pa ni MacArthur.
May nagmungkahi sa atin, ito ang proposisyon: uupahan po nila ang headquarters ng Navy sa Roxas Boulevard at ang Naval Station sa Fort Bonifacio.
Sagot po nila ang paglipat ng Navy Headquarters sa Camp Aguinaldo. Agaran, bibigyan tayo ng isandaang milyong dolyar. At dagdag pa sa lahat nang iyan, magsusubi pa sila sa atin ng kita mula sa mga negosyong itatayo nila sa uupahan nilang lupa.
Sa madali pong sabi: Makukuha natin ang kailangan natin, hindi tatayo gagastos, kikita pa tayo.
Marami na pong nag-alok at nagmungkahi sa atin, mula lokal hanggang dayuhang negosyante, na magpuno ng iba't ibang pangangailangan.
Mula sa mga public-private partnerships na ito, lalago ang ating ekonomiya, at bawat Pilipino makikinabang. Napakaraming sektor na matutulungan nito.
Maipapatayo na po ang imprastrukturang kailangan natin para palaguin ang turismo.
Sa agrikultura, makapagtatayo na tayo ng mga grains terminals, refrigeration facilities, maayos na road networks at post-harvest facilities.
Kung maisasaayos natin ang ating food supply chain sa tulong ng pribadong sektor, sa halip na mag-angkat tayo ay maari na sana tayong mangarap na mag-supply sa pandaigdigang merkado.
Kung maitatayo ang minumungkahi sa ating railway system, bababa ang presyo ng bilihin. Mas mura, mas mabilis, mas maginhawa, at makakaiwas pa sa kotong cops at mga kumokotong na rebelde ang mga bumibiyahe.

STREAMLINING PROCESSES
Paalala lang po: una sa ating plataporma ang paglikha ng mga trabaho, at nanggagaling ang trabaho sa paglago ng industriya. Lalago lamang ang industriya kung gagawin nating mas malinis, mas mabilis, at mas maginhawa ang proseso para sa mga gustong magnegosyo.
Pabibilisin natin ang proseso ng mga proyektong sumasailalim sa Build-Operate-Transfer. Sa tulong ng lahat ng sangay ng gobyerno at ng mga mamamayan, pabababain natin sa anim na buwan ang proseso na noon ay inaabot ng taon kung hindi dekada.
May mga hakbang na rin pong sinisimulan ang DTI, sa pamumuno ni Secretary Gregory Domingo:
Ang walang-katapusang pabalik-balik sa proseso ng pagrehistro ng pangalan ng kumpanya, na kada dalaw ay umaabot ng apat hanggang walong oras, ibababa na natin sa labinlimang minuto.
Ang dating listahan ng tatlumpu't anim na dokumento, ibababa natin sa anim. Ang dating walong pahinang application form, ibababa natin sa isang pahina.
Nananawagan ako sa ating mga LGUs. Habang naghahanap tayo ng paraan para gawing mas mabilis ang pagbubukas ng mga negosyo, pag-aralan din sana nila ang kanilang mga proseso. Kailangan itong gawing mas mabilis, at kailangan itong itugma sa mga sinisumulan nating reporma.
Negosyante, sundalo, rebelde, at karaniwang Pilipino, lahat po makikinabang dito. Basta po hindi dehado ang Pilipino, papasukin po natin lahat iyan. Kailangan na po nating simulan ang pagtutulungan para makamit ito. Huwag nating pahirapan ang isa't isa.
Parating na po ang panahon na hindi na natin kailangang mamili sa pagitan ng seguridad ng ating mamamayan o sa kinabukasan ng inyong mga anak.

FREEING UP FUNDS
EDUCATION
Oras na maipatupad ang public-private partnerships na ito, mapopondohan ang mga serbisyong panlipunan, alinsunod sa ating plataporma.
Magkakapondo na po para maipatupad ang mga plano natin sa edukasyon.
Mapapalawak natin ang basic education cycle mula sa napakaikling sampung taon tungo sa global standard na labindalawang taon.
Madadagdagan natin ang mga classroom. Mapopondohan natin ang service contracting sa ilalim ng GASTPE.
Pati ang conditional cash transfers, na magbabawas ng pabigat sa bulsa ng mga pamilya, madadagdan na rin ng pondo.

PHILHEALTH
Maipapatupad ang plano natin sa PhilHealth.
Una, tutukuyin natin ang tunay na bilang ng mga nangangailangan nito. Sa ngayon, hindi magkakatugma ang datos. Sabi ng PhilHealth sa isang bibig, walumpu't pitong porsyento na raw ang merong coverage. Sa kabilang bibig naman, singkuwenta'y tres porsyento naman. Ayon naman sa National Statistics Office, tatlumpu't walong porsyento ang may coverage.
Ngayon pa lang, kumikilos na si Secretary Dinky Soliman at ang DSWD upang ipatupad ang National Household Targetting System, na magtutukoy sa mga pamilyang higit na nagangailangan ng tulong. Tinatayang siyam na bilyon ang kailangan para mabigyan ng PhilHealth ang limang milyong pinakamaralitang pamilyang Pilipino.

LEGISLATIVE AGENDA
Napakaganda po ng hinaharap natin. Kasama na po natin ang pribadong sektor, at kasama na rin natin ang League of Provinces, sa pangunguna nina Governor Alfonso Umali kasama sina Governor L-Ray Villafuerte at Governor Icot Petilla. Handa na pong makipagtulungan para makibahagi sa pagtustos ng mga gastusin. Alam ko rin pong hindi magpapahuli ang League of Cities sa pangunguna ni Mayor Oscar Rodriguez.
Kung ang mga gobyernong lokal ay nakikiramay na sa ating mga adhikain, ang Kongreso namang pinanggalingan ko, siguro naman maasahan ko din.
Nagpakitang-gilas na po ang gabinete sa pagtukoy ng ating mga problema at sa paglulunsad ng mga solusyon sa loob lamang ng tatlong linggo.
Nang bagyo pong Basyang, ang sabi sa atin ng mga may prangkisa sa kuryente, apat na araw na walang kuryente. Dahil sa mabilis na pagkilos ni Secretary Rene Almendras at ng Department of Energy, naibalik ang kuryente sa halos lahat sa loob lamang ng beinte-kwatro oras.
Ito pong sinasabing kakulangan sa tubig sa Metro Manila, kinilusan agad ni Secretary Rogelio Singson at ng DPWH. Hindi na siya naghintay ng utos, kaya nabawasan ang perwisyo.
Nakita na rin natin ang gilas ng mga hinirang nating makatulong sa Gabinete. Makatuwiran naman po sigurong umasa na hindi na sila padadaanin sa butas ng karayom para makumpirma ng Commission on Appointments. Kung mangyayari po ito, marami pa sa mga mahuhusay na Pilipino ang maeengganyong magsilbi sa gobyerno.
Sa lalong madaling panahon po, uupo na tayo sa LEDAC at pag-uusapan ang mga mahahalagang batas na kailangan nating ipasa. Makakaasa kayo na mananatiling bukas ang aking isipan, at ang ating ugnayan ay mananatiling tapat.
Isinusulong po natin ang Fiscal Responsibility Bill, kung saan hindi tayo magpapasa ng batas na mangangailangan ng pondo kung hindi pa natukoy ang panggagalingan nito. May 104.1 billion pesos tayong kailangan para pondohan ang mga batas na naipasa na, ngunit hindi maipatupad.
Kailangan din nating isaayos ang mga insentibong piskal na ibinigay noong nakaraan. Ngayong naghihigpit tayo ng sinturon, kailangang balikan kung alin sa mga ito ang dapat manatili at kung ano ang dapat nang itigil.
Huwag po tayong pumayag na magkaroon ng isa pang NBN-ZTE. Sa lokal man o dayuhan manggagaling ang pondo, dapat dumaan ito sa tamang proseso. Hinihingi ko po ang tulong ninyo upang amiyendahan ang ating Procurement Law.
Ayon po sa Saligang Batas, tungkulin ng estado ang siguruhing walang lamangan sa merkado. Bawal ang monopolya, bawal ang mga cartel na sasakal sa kumpetisyon. Kailangan po natin ng isang Anti-Trust Law na magbibigay-buhay sa mga prinsipyong ito. Ito ang magbibigay ng pagkakataon sa mga Small- at Medium-scale Enterprises na makilahok at tumulong sa paglago ng ating ekonomiya.
Ipasa na po natin ang National Land Use Bill.
Una rin pong naging batas ng Commonwealth ang National Defense Act, na ipinasa noon pang 1935. Kailangan nang palitan ito ng batas na tutugon sa pangangailangan ng pambansang seguridad sa kasalukuyan.
Nakikiusap po akong isulong ang Whistleblower's Bill upang patuloy nang iwaksi ang kultura ng takot at pananahimik.
Palalakasin pa lalo ang Witness Protection Program. Alalahanin po natin na noong taong 2009 hanggang 2010, may nahatulan sa 95% ng mga kaso kung saan may witness na sumailalim sa programang ito.
Kailangang repasuhin ang ating mga batas. Nanawagan po akong umpisahan na ang rekodipikasyon ng ating mga batas, upang siguruhing magkakatugma sila at hindi salu-salungat.

PEACE PROCESS
Ito pong mga batas na ito ang batayan ng kaayusan, ngunit ang pundasyon ng lahat ng ginagawa natin ay ang prinsipyong wala tayong mararating kung walang kapayapaan at katahimikan.
Dalawa ang hinaharap nating suliranin sa usapin ng kapayapaan: ang situwasyon sa Mindanao, at ang patuloy na pag-aaklas ng CPP-NPA-NDF.
Tungkol sa situwasyon sa Mindanao: Hindi po nagbabago ang ating pananaw. Mararating lamang ang kapayapaan at katahimikan kung mag-uusap ang lahat ng apektado: Moro, Lumad, at Kristiyano. Inatasan na natin si Dean Marvic Leonen na mangasiwa sa ginagawa nating pakikipag-usap sa MILF.
Iiwasan natin ang mga pagkakamaling nangyari sa nakaraang administrasyon, kung saan binulaga na lang ang mga mamamayan ng Mindanao. Hindi tayo puwedeng magbulag-bulagan sa mga dudang may kulay ng pulitika ang proseso, at hindi ang kapakanan ng taumbayan ang tanging interes.
Kinikilala natin ang mga hakbang na ginagawa ng MILF sa pamamagitan ng pagdidisplina sa kanilang hanay. Inaasahan natin na muling magsisimula ang negosasyon pagkatapos ng Ramadan.
Tungkol naman po sa CPP-NPA-NDF: handa na ba kayong maglaan ng kongkretong mungkahi, sa halip na pawang batikos lamang?
Kung kapayapaan din ang hangad ninyo, handa po kami sa malawakang tigil-putukan. Mag-usap tayo.
Mahirap magsimula ang usapan habang mayroon pang amoy ng pulbura sa hangin. Nananawagan ako: huwag po natin hayaang masayang ang napakagandang pagkakataong ito upang magtipon sa ilalim ng iisang adhikain.
Kapayapaan at katahimikan po ang pundasyon ng kaunlaran. Habang nagpapatuloy ang barilan, patuloy din ang pagkakagapos natin sa kahirapan.

PANAWAGAN
Dapat din po nating mabatid: ito ay panahon ng sakripisyo. At ang sakripisyong ito ay magiging puhunan para sa ating kinabukasan. Kaakibat ng ating mga karapatan at kalayaan ay ang tungkulin natin sa kapwa at sa bayan.
Inaasahan ko po ang ating mga kaibigan sa media, lalo na sa radyo at sa print, sa mga nagbablock-time, at sa community newspapers, kayo na po mismo ang magbantay sa inyong hanay.
Mabigyang-buhay sana ang mga batayang prinsipyo ng inyong bokasyon: ang magbigay-linaw sa mahahalagang isyu; ang maging patas at makatotohanan, at ang itaas ang antas ng pampublikong diskurso.
Tungkulin po ng bawat Pilipino na tutukan ang mga pinunong tayo rin naman ang nagluklok sa puwesto. Humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok. Dahil ang nakikialam, walang-hanggan ang reklamo. Ang nakikilahok, nakikibahagi sa solusyon.
Napakatagal na pong namamayani ang pananaw na ang susi sa asenso ay ang intindihin ang sarili kaysa intindihin ang kapwa. Malinaw po sa akin: paano tayo aasenso habang nilalamangan ang kapwa?
Ang hindi nabigyan ng pagkakataong mag-aral, paanong makakakuha ng trabaho? Kung walang trabaho, paanong magiging konsumer? Paanong mag-iimpok sa bangko?
Ngunit kung babaliktarin natin ang pananaw-kung iisipin nating "Dadagdagan ko ang kakayahan ng aking kapwa"-magbubunga po ito, at ang lahat ay magkakaroon ng pagkakataon.
Maganda na po ang nasimulan natin. At mas lalong maganda po ang mararating natin. Ngunit huwag nating kalimutan na mayroong mga nagnanasang hindi tayo magtagumpay. Dahil kapag hindi tayo nagtagumpay, makakabalik na naman sila sa kapangyarihan, at sa pagsasamantala sa taumbayan.
Akin pong paniwala na Diyos at taumbayan ang nagdala sa ating kinalalagyan ngayon. Habang nakatutok tayo sa kapakanan ng ating kapwa, bendisyon at patnubay ay tiyak na maaasahan natin sa Poong Maykapal. At kapag nanalig tayo na ang kasangga natin ay ang Diyos, mayroon ba tayong hindi kakayanin?
Ang mandato nating nakuha sa huling eleksyon ay patunay na umaasa pa rin ang Pilipino sa pagbabago. Iba na talaga ang situwasyon. Puwede na muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.
Maraming salamat po.


 

******************************************************

Saturday, July 24, 2010

XB GenSan at LaSalle

Dalawang competitions ang pumukaw ng aking atensyon ngayong araw na ito.

Bilang masugid na tagapanood ng Showtime ay inabangan ko talaga ang finals. Kahit na-disqualify ang manok kong Grafitti Motion Dancers, ayos pa rin ang nanalo. Nakasasabik ang laban talaga.

Kaya lang kinahapunan, magandang laban man talo pa rin ang pinakamamahal kong unibersidad ng mga nakaberde. Hay… Buti, di ko napanood at buti wala ako sa Araneta.

***********

Nakita ng kapatid kong si Babes na nagba-blog ako. Sabi nya maganda raw na topic ang kawalan namin ng pera. Nakakainis ang pera. Gustuhin mo mang huwag problemahin, hindi ka mamumuhay nang maayos lalo na sa kalungsuran kung wala ka nito. Gusto ko mang i-elaborate ang kawalan naming pera sa ngayon, nakakabigat lamang ng loob. Mas okay nang huwag na lang.

Pero kapag nanalo na ako sa Lotto in the near future, lahat ng mga taong hindi kami kinalimutan lalo na sa panahong naghihikaos kaming magkakapatid at pati ang magulang namin sa malayo ay hinding hindi ko makalilimutan.

***********

Wala mang maraming pera, hindi pa rin matatawaran ang mga pagkakataong nakasasama at nakakakuwentuhan ko ang aking dalawang nakababatang kapatid. Minsan, mas naiisip kong mas mabuti na rin ito kasi kung lagi kami mapera malamang may kanya-kanya kaming pinagkakaabalahan. Okay din na sabay-sabay kaming tumunganga nang masayang nagkukulitan at nagkukuwentuhan. :-D

Wednesday, July 21, 2010

Sa Sabado Na..

Muling maghaharap ang dalawang koponang inaabangan lagi ng mundong magharap.

Di maiwasang marami ang manghula kung sino nga ba ang mangingibabaw.

Dahil kasing init ng FIFA ang pagtatapat nila, eto ang pinaka-reliable na prediction.

Paul the Octopus, sinong mananalo?



Siya na ang may sabi.

**************
Sa ibang banda,
Mamaya, overnight kayla Tita. Bukas kasi death anniversary ni Nanay. Nakakamiss na sya...

Ulan,
huwag ka dito sa Anggat Dam ka tumapat para magkatubig na silang mga salat...

Jio,
See you very very soon. *kilig*

Tuesday, July 20, 2010

Monday, July 19, 2010

Umiyak ako ngayong araw na ito

Sa tagal-tagal ng panahong hindi ako umiiyak, naiyak ako ngayong araw na ito.

Dahil sa Meralco.
Dahil sa isang text message.
Dahil sa isang tawag.
Dahil sa stress.
Dahil sa overwhelming negative emotions.
Dahil sinisisi ko ang aking sarili sa mga nangyayari ngayon.

Tapos may mamimiss ka pang mga tao.

Pakers.

Lord, still, thank You for making me strong to surpass this day.

Sunday, July 18, 2010

Kumusta, Ano na?

Kagabi sa bahay ako ng aking Tita Vik natulog. Nagdasal kasi kami at pasiyam ng lola ko. Saktong 3:16am nagising ako at di na nakatulog. Nauwi na lang ako sa pagsubok na magblog sa aking phone pero hindi ito gumana at nagcheck na lang din ako ng facebook account ko. Bandang alas kuwatro y media na isipan kong i-type na lang sa aking phone ang iba-blog ko kasama ng oras ng aking pagkaka- "sulat" nito.

4:33am

Nagising ako sa kalaliman ng gabi at di na muling makatulog. Pero naalala kong ikaw ang isa sa laman ng aking isio bago ko ipikit ang aking mga mata gayundin ngayong ito'y mulat na.

Nararamdaman kong ang pagiging masama mo sa akin ay pakitang tao lamang. Ang mga sungay mo ay puno ng pagkukunwari. Ang kalupitan mo sa akin ay bunga ng takot na masaktan ka nang sobra gaya ng naranasan mo mula sa nakaraan at naipatikim ko sa iyo dati. Inaamin kong ilang beses ko nang nasabi sa sarili kong kinamumuhian kita dahil sukdulan ang iyong kasamaan, sagad hanggang buto. Marahil, isa ka talagang magaling na aktor sa isang mapagpanggap na papel.

Puno ka ng kasinungalingan.tungkol sa iyong tunay na identidad, sa estado ng iyong buhay, kahit sa maliliit na bagay gaya ng nawawala kong salamin at sa marami pang ibang bagay. At sa tuwing sumasambulat ang katotohanan sa aking harapan, para akong binubuhusan ng nagyeyelong tubig dulot ng magkahalong gulat at galit.

Pero sa kabila ng lahat ng iyon, naiintindihan kita. Gusto pa rin kitang yakapin at sabihing "okay lang yun. Wag ka nagn matakot, andito na ako sa tabi mo." Gusto pa rin kitang magdamag na makapiling at ilantad muli sa iyo ang aking marupok na kahubdan bilang patunay na sa kabila ng maraming kasinungalingang bumalot sa atin, tunay ang aking nararamdaman.

May Jio man o wala, pipiliin at pipiliin ko pa ring maranasan ang mga sandaling kasama kita. Kung paano lumambot ang mga nagngangalit mong tingin kapag patapos na ang ating pagtatalo. Kung mo hagkang ang aking mga labing napapalooban ng umaapaw na emosyon. Kung paano mo ako lambingin at kulitin pagkatapos mo akong pikunin sa pagn-aasar. Kung paano mo hawakan ang aking kamay at yakapin ang buo kong pagkatao.

Naging magulo man lahat ng namagitan sa atin at dumating man si Jio sa ating dalawa, ayaw kong bitiwan ang kakarampot kong pag-aasa na darating ang panahong aaminin mo sa aking ang lahat ng kabatuhan ng puso na iyong ipinakita ay bahagi lamang ng pagkukubli sa isang malaking hawlang iyong pinagtataguan ng patuloy mong pagtangi sa akin.

Nangangamba lang ako na sa lahat-lahat ng ito, ako pala ay nag-akala nang mali.

Thursday, July 15, 2010

Si Basyang

Nung tumama ang bagyong Basyang, hindi ko aakalaing magiging malaki ang pananalanta nya sa mga bayang kanyang dadaanan. Grabe ang lakas-lakas ng hangin na kahit bago-bago pa lamang ang aming bahay, tila liliparin na an gaming bubong. Nakakatakot. Sumisipol ang hangin na puno ng panaghoy. Kinakatok nang malakas ang salamin ng aming mga bintana habang nagpupumilit pumasok ang bawat patak ng tubig na kanyang dala-dala.

Pagkatapos ng nakapupuyat na magdamag, mga nagkandabuwal na halaman at isang maghapong walang ilaw ang aming kinaharap. Akala ko mabilis na maibabalik ang kuryente pero mukhang marami talaga ang napinsala. Kung gaano kalawak ang naging epekto ng bagyo? Wala kaming balita. Bago kami kumain ng hapunan, nagyaya si Kuya Egay manood ng sine. Pumunta kami sa Robinson's Metro East. Madilim sa loob nito. Halatang nagtitipid sa kakarampot na kuryenteng naibibigay ng kanilang generator. Patuloy pa rin silang nagpapasok ng mga tao pero walang palabas sa kanilang mga sinehan. Kaya naman lumipat kami sa Sta. Lucia. Yun nga lamang, hindi na talaga sila nagpapapasok. Nahahati na ang kalooban naming manood ng sine o umuwi na lamang. Napagdesisyunang subukin muna naming kung mayroong sine sa Marquinton. Akalain mo sa kaliitan nito, may sine pala sila. Tamang tama namang habang bumibili ng tiket, siya namang pagpunta ng isang empleyado sa ticket booth at sinabing hanggang 9pm lamang ang buong mall dahil na rin sa power generator issues nila. Eh ang last full show ay 8:15pm kaya minabuti ng empleyadong iyon na papasukin na kami kahit nagsimula na ang pelikula at panoorin na lamang ang hindi namin naabutan pagkatapos.

Dahil ang Cinco ay 5-story movie, iyon na lamang ang pinanood namin kaya anu't anupaman ang mangyari, at least siguradong may mabubuo kaming istorya. Limang Storya ito. Braso. Paa. Mata. Mukha. Puso. Naabutan namin patapos na ang Paa. Hindi namin naabutan ang kuwento ng Braso. At nang matapos na ang pelikula, tanging kami na lamang ang naiwan sa loob ng sinehan. Dahil dito, sinabi naming simulan na ang pelikula na sya namang ginawa ng operator. At napanood namin ang hindi namin naabutan. Sa kabuuan, hindi naging ganun kaganda ang pelikula. Lahat nakabibitin pero mahirap nga namang ipagsiksikan ang laman ng bawat istorya sa kakarampot na oras. Pinakanatawa ako sa arte ni Zanjoe bilang Elvis na ginayuma ni Emily na ginagampanan ni Pokwang. Talagang feel na feel nya ang pananakot. Nakakatawa yung mukha nya. Kapag naaalala ko yung itsura nya, nakakatawa talaga.

Pag-uwi namin, tumambad pa rin ang madilim na kapaligiran. Wala pa ring kuryente at inabot ng hanggang alas-12 ng madaling araw bago tuluyang mapawi ang kadiliman ng gabi. Habang naghihintay na magkailaw, marami akong naisip. May mga lugar sa Pilipinas na bumagyo man o hindi, wala silang kuryente. Ang nararanasan kong pagkairita sa kawalan ng ilaw, ang pangangagat ng mga insekto, ang kainitan ng kapaligiran. Lahat ng iyon ay kinamulatan na nila at marahil, sa ganung sitwasyon na rin sila mamamatay. Nakalulungkot isiping pagpunta namin ng mall, maraming maraming tao ang hindi rin sanay mawalan ng ilaw. Punong puno ang Starbucks ng mga taong may kayang bumili ng mamahaling kape para makapagcharge ng sari-sari nilang gadgets. Punong puno rin ang Ministop para sa kanilang battery charging station. Gayundin ang Mcdo, Jollibee at iba pang fastfood chains. At sa aking pagkakahiga, habang matyagang nagpapaypay ng abanikong nabili ng aking Tatay ng minsang magsimba kami sa Antipolo, paulit-ulit na tumatakbo sa aking isip na dumating man ang bagyong gaya ni Basyang o hindi, may mga taong hindi nakatitikim ng luho ng kuryente. Oo. Luho pala ang kuryente. Kaya tayong nakatira sa mga siyudad at naabot ng kapangyarihan ng power generation plants, transmission companies at power distributors, malaki ang dapat nating ipagpasalamat sa kaginhawaang natatamasa natin sa araw-araw hindi man natin halata.

Tuesday, July 13, 2010

Nananabik na ako..

Alam ko, ilang linggo na lang makakapiling na kita at mayayakap. Jio, pangako, bubusugin kita ng pagmamahal at pag-aaruga. Sana excited ka ring makita ako.
Kahit na mahirap magtype sa laptop habang kapantay ito ng aking pagkakaupo. Kahit ang hirap nang maglakad at bumangon sa kama. Kahit alam kong mararanasan ko na naman ang nakamamatay na sakit. Kung ang lahat ng ito ay ikaw ang kapalit.
Bawing bawi.
Pawing pawi.
Basta, nananabik na ako sa iyo. :-D

Monday, July 12, 2010

Forced to be a Father

Noong nakaraang gabi napanood ko ang episode na ito ni Dr. Phil. Isang episode ng diskusyon tungkol sa papel ng mga lalaking hindi naman gusto pang maging tatay pero dahil andyan na, pinipilit ng lipunang gampanan ang kanilang tungkulin sa bata.

May dalawang ekspertong naroon. Isang babaeng tagapagsulong ng karapatan ng mga babae at isa namang lalaking ang adbokasiya ay ipaglaban ang karapatan ng mga lalaki.

Unang senaryo: Isang lalaki na bago makipagtalik sa kanyang girlfriend ay nilinaw na ayaw nitong maging ama anytime soon. Tapos, nabuntis ang babae at kahit ayaw panindigan ng lalaki sinasabi ng korte na kailangan niyang magbigay ng pinansyal na suporta. Ngayon ay mabigat ang loob ng lalaking nagbabayad ng sustento sa paniniwalang nilinaw naman nyang ayaw nya ng anak.

Pangalawang senaryo: Isang lalaki na nabuntis pala ang ex-gf nya. Makalipas ang dalawang taon, kung kalian may asawa na sya at dalawang anak, nakatanggap ng court order ang lalaki na kailangan nyang sumailalim sa DNA test upang kumpirmahin ang pagiging ama nya sa batang isinilang ng kanyang ex-gf. Napatunayan ngang sya ang ama at inutusan sya ng korteng magsustento sa bata ng $350 kada buwan. Syempre mabigat at masama sa loob ng mag-asawa ang pagbibigay ng pera.

Pangatlong senaryo: Ang two-time Emmy Awards winner na si Jay Thomas ay nakatanggap ng tawag mula sa kanyang anak raw. Noong bata-bata pa siya at di pa sikat nabuntis nya ang kanyang ex-gf at napagdesisyunan nilang dalawa na ipaampon na lamang ito. Makalipas ang labingwalong taon, natunton sila ng kanyang anak na kilala sa tawag na JTV. Mula sa araw ng pagtawag hanggang ngayon, lubos na ikinasaya ito ng aktor dahil na rin sa mga nakagugulat na similarities nila ng long lost son nya na unti-unti na rin pinapasok ang mundo ng hollywood.

Sa magkakaibang senaryong ito, naisip ko napakapalad ng mga lalaki dahil hindi nila nararanasan ang magdalang tao. Kaya siguro napakadali sa kanilang itanggi ang responsibilidad. Naaalala ko tuloy si Marvin at ang pagpipilit nya sa akin noon magpa-abort. Nirerespeto ko ang karapatan ng mga lalaki pero sa mga ganitong sitwasyon mo makikita ang pagkatao ng taong akala mo ay kilalang kilala mo na. Kaya naman sa pagpipilit nyang iyon, sinabi ko sa sarili kong sa puntong iyon ay inalis na nya ang lahat ng karapatan nya kay Sivan. Bukod dun, hindi siya nararapat maging tatay ng anak ko. Hindi ko na kasalanan kung darating ang araw na mapagtatanto nyang gusto na nyang gumampan ng tungkulin sa kanya. Ang masasabi ko, huli na ang lahat. Hindi naman maitatanggi ng mundo na siya ang biological father ni Sivan. Gusto ko nalang isipin nyang naging sperm donor siya para sa katuparan ng isang napakagandang biyaya sa buhay ko at ng aking mga kamag-anak. At doon na natatapos ang papel nya sa buhay ko at ng aking anak. Kung may maipapayo ako sa mga babaeng sangkot sa una at pangalawang senaryo, ito ay panindigan ang bata mayroon o wala mang suporta mula sa ama.

Sa ikatlong senaryo ipinakikita kung gaano ba kasarap ang maging magulang. Yung naging relasyon ni Jay Thomas sa kanyang anak na nawalay sa kanya ng mahabang panahon ang nagpapatunay na kung di man nya nakaya noong buhayin ang kanyang anak gumawa naman siya ng tamang desisyong ipaampon muna ito at kalauna'y tanggapin ng buong bukaspalad pagkalipas ng maraming taon. At hindi nagtago sa likod ng mga kara-karapatang kunwari'y ipinaglalaban. Kalokohan lang nila yun. Simple lang naman ang buhay eh. Kung ayaw, ayaw. Kung gusto, gusto. Tapos.

Saturday, July 10, 2010

Under Construction Part 2

Isa sa mga nakalipas kong blog entries ang tumukoy sa buhay ko bilang under construction. Sa totoo lang, natapos ko na ang blueprint nito. Nasa implementation stage na ako dapat. Pero naisip ko, kulang pa ako sa paghahanda. Kung ang doktor kailangang sumailalim sa ilang taon ng pag-aaral para makapanggamot at ang mga abugado'y gayun din ang pinagdaraanan bago tumayo sa harap ng husgado at ipagtanggol ang kliyente, hindi naiiba ang pagharap sa mga pagsubok ng buhay. Karanasan man ang pangunahing guro ng tao, hindi naman masama ang maghanda sa pamamagitan nang pagbabasa ng mga libro.

Sa kabila ng character quest na ginagawa ko ngayon, hindi ko nalilimutan ang mga salita ni Fr. Ferriols, SJ. "Lundagin mo, beybe." Ang tunay na pagsawsaw sa ilog ng mga karanasan at pagharap sa anumang inilaang kapalaran sa akin ng Maykapal ang tunay na paghubog sa aking sarili.

Marami man akong napagdaanan na at napagdadaanan pang mga sitwasyong hindi karaniwan o hindi inaasahan ng mga nakararami sa ganito kong edad. Naniniwala akong bata pa ako at kaya ko pang abutin lahat ng aking inaasam.

Vans at Jio, kayo ang inspirasyon ko. Ako man ang salarin kung bakit kayo naririto na't napipilitang harapin ang kasaklapan ng mundo, sisikapin kong panindigan ito. Mahal ko kayo.

Friday, July 09, 2010

NVM

How will I start? I am kinda pissed off these past few days for varied reasons. Very slow net connections, self-righteous people, insensitive ones, unchanged systems and undone house chores. I am always asking God to forgive me for I am feeling this way towards these petty annoyances. But I just can't help it. If there's a sin that I can hardly resist, it's this feeling of hatred on these things. I remember Sister Ofelia telling me to vent out my emotions by writing on a paper and after that, tearing it to pieces while thinking that I am tearing those emotions as well.

Since almost all of my friends are not aware that I started blogging again after a while, I don't expect that someone will read this. It's a good thing; at least, I don't expect any reader and help me not be restricted with what I wanted to write. Just to finish all these, I'll be venting out what I thought about the things that annoy me lately:

VERY SLOW NET CONNECTIONS. Instead of seeing it that way, waiting for webpage to load helps me to become more patient than usual. It's just that, we are paying for that kind of service. Calling them from time to time is actually stressing me out. They always give us a 24-hour monitoring time for our connection to be as good as it was before but nothing has improved that much. I just don't know what to do now.

SELF-RIGHTEOUS PEOPLE. I just hate being scolded or reprimanded at especially by people who I think are not authoritative enough to do so. For one, they have their lives to fix first. Why do they bother to talk to me like that if they haven't proven anything to anyone at all? Saying those words make them feel better people? But upon reflecting, my behavior towards these kinds of people shows that I am full of pride. I shouldn't feel this way. This is one of the aspects I want to improve. I need to be humble and accept that people are telling me those things because there's truth in it, that I have committed a blunder.

INSENSITIVE ONES and UNDONE HOUSE CHORES. These two come hand in hand because the people I find insensitive are those who do not have initiatives to do house chores. Why do I need to make faces and let them feel that I am pissed off before house chores are worked upon? If it wasn't for my condition, I would have done that stuff. I don't want to live in a dirty house and I know that we are all mutually feeling that way. But then, being annoyed is bad. So I want to think that they are preoccupied by other endeavors that they don't manage to help inside the house and soon I will be lesser busy person here so I have to step up.

UNCHANGED SYSTEMS. As a tiny part of this system, no matter how much you wanted to do the right thing to correct it, you just can't. And that pisses me off. On the other hand, we should not be disheartened by how large the system is. As how a Filipino proverb goes, "walang malaking nakapupuwing." If we can't change the system in an instant or just by whom we are. Being an eye opener is a big step already.


 

Tuesday, July 06, 2010

Mga Nangyari Nitong mga Nakalipas na Araw…

Una, napagtanto kong napakasuwerte ko dahil mayroon akong mabuting pamilya. Sa kabila ng mga kakulangan ko bilang anak at kapatid, hindi pa rin nila ako iniiwan gaano man kalalim ang aking pagbagsak. Bukod sa kanila, mapalad din akong magkaroon ng mga kaibigang kahit dati puro kalokohan lang mga pinaggagagawa namin, alam kong kahit sa iyakan dadamayan nila ako at ilang beses na nilang pinatunayan iyon.

Noong ika-1 ng Hulyo, nakachat ko sa YM ang kuya ko. Grabe, I have the best set of siblings lalo na yung panganay kong kuya na pinatunayan nya sa aming he is really our role model. Tapos kinahapunan nun, naka-video call ko naman si Mama at si Sivan. Though choppy ang connection at kahit ang conversation namin,sobrang saya kong makita sila lalo na si Sivan na big boy na ngayon. Hay. Ambilis lang ng panahon.

Ipinagdiwang naman namin ang kaarawan ni Villegas noong ika-2 ng Hulyo. Sa mahabang panahon, ngayon ko lang napagkikita silang lahat dahil na rin sa maselan kong kondisyon at sa abala nilang mga buhay-buhay. Nakakamiss sila. Nakakamiss ang dampa at si Ate ng Ilonggo Grill. Nakakamiss ang Bonfire at mga drinking sessions namin. Akalain mo for the first time, uminom ako sa Bonfire. Hindi ng beer kundi ng mango shake.Hahaha.Nakilala ko pala ang bagong laman ng mga kuwento nilang si Ralph na lagi rin pala nilang kinukuwentuhan tungkol sa akin kaya madali na rin kaming nagkapalagayan ng loob. Nandun pa ang true love ni Madz na si JD kaso umalis kaagad si Mading.sayang. At dahil na rin sa nahihirapan akong masyadong magkikilos, inabot na ako ng hatinggabi. Buti di talaga ako pababayaang mag-isa ng bestfriend kong celebrant. Akala ko nga, sasalubungin naming ang kaarawan nya sa daan buti hindi naman.

Kinabukasan ng araw na iyon, ika-3 ng Hulyo, pumunta naman kami nila Tita Vik at Ata sa San Mateo sa bahay nila Tita Iphen. Tapos, sumunod doon sila Tita Amy at Mimay. Masaya kasi kompleto kaming magpipinsang babae. Ayun, kulitan. Maraming kuwentuhan. As usual nag-afternoon nap ako sa kanila. Naabutan na rin kami ng malakas na ulan doon. At dahil matutulog naman si Josh sa sapa, sa Felicidad na lang ako natulog. Di tuloy kami natuloy nila Villegas, Madz at Marian. Yung double deck sa kuwarto ng mga pinsan ko na hindi na nila tinutulugan dahil dun sila natutulog sa kabilang kuwarto,ay double deck namin ng mahabang panahon. Siguro mga 5 years yata at naabutan pa iyon ni Sivan bago ibigay nalang namin sa kanila dahil sa pananalasa ni Ondoy. Kaya naman, ganun na lamang kahimbing ang tulog ko doon kahit mababaw-babaw ang tulog ko mahaba naman at di ako nahirapan masyadong matulog di gaya sa kama ko ngayon, malaki nga at malambot, pero di pa ako gaanong komportable dito. Masaya kasi nakakulitan ko nang personal ang aking mga pinsan at narinig ko na naman ang maraming kuwento ng madaldal kong pinsang si Joanne na sabi nila malaki ang pagkakahawig namin sa itsura at ugali. Oo, maldita rin sya.hahaha.

Noong ika-4 ng Hulyo ng hapon na ako nakauwi at naabutan ko sa bahay si Tita Pina, Tin, workmate dati ni Tita Pina na si Tita Belen at anak nitong si Akiko. Kasi kaarawan naman ni Tita Pina ng araw na iyon. Nagluto kami ng pansit, maja blanca at may cake pa. At habang nagkakainan kami, pinapanood namin ang Karate Kid. Nung kinagabihan, dumating si Kuya Ato at hindi naman nahirapan si Tita Pina sa pagpapapasok sa kanya. Naging masaya naman ang buong maghapon na iyon.

At kahapon, ika-5 ng Hulyo ay araw ng pagpapatingin ko sa doktor. Sobrang nakapapagod dahil 4:45am palang gising na ako. 6:30am nasa ospital na ako at nakauwi na ako ng 2:00pm.Kawawa nga si Tita Vic napagod ko rin dahil kasama ko siya. Buti na rin yun, kasi hindi ako maghapong natulog sa bahay. Magaling naman ang doktor na tumingin sa akin kahit hindi pa sya lisensyadong magkaroon ng clinic sa labas. Tuloy, ngayon, naghahalo-halo na ang pakiramdam. Kinakabahan, natatakot at nananabik na akong makita si Jio at alam kong gayun din sya. Ilang linggo na lang ang bibilangin. Yikes.

Ngayong araw na ito, marahil panahon namang matengga ako sa bahay para magmuni at mag-isip isip. Marahil maglalakad-lakad ako kapag sinipag kung hindi lilibutin ko nalang ang kuwarto ko nang paulit-ulit…

Parang gusto kong kumain ng Angel's cheeseburger at cookies and cream na chillz. Hehehe. Cravings nga naman oh..

Thursday, July 01, 2010

Maraming Una Ngayon

Unang araw ng buwan ng Hulyo.

Unang araw ng buwan ng mga kaarawan.

Unang araw ng regular na panunungkulan ni PNoy.

Unang araw ng ika-15 administrasyon ng Republika ng Pilipinas.

Unang araw para sa birthday countdown ko.

Maraming naidudulot na positibo ang una. Nagbibigay ito lagi ng pag-asa. Gaya ng unang araw ng pasukan sa eskuwela. Garang gara ang lahat. May bagong notebook, uniform, sapatos at iba pang school supplies. Nakagaganang mag-aral. Gaya ng unang araw sa trabaho. Ganadong ganado kang magpakitang-gilas sa boss. Gaya ng unang araw nyong maging ng iyong kasintahan. Punong puno ng pag-asang marami pa kayong unang pagsasamahan tulad ng first kiss, first movie date, first first first…hahaha. Di bale, di ko nalang isusulat kasi yung first na yun, maaaring magkaroon ng second, third at fourth hanggang di na mabilang pero may parehong epekto pa rin nung first.hehe.

Pero gaya ng lahat ng una, lagi itong may pangambang kaakibat. Ano kaya ang kahihinatnan sa dulo? Anupaman ang maging resulta ang byahe mula una hanggang dulo ang higit na mahalaga. Dahil sa mga panahong iyon, doon nabubuo ang paghubog at lalim ng karanasan.

Tatlumpu't isang araw lamang ang Hulyo.

Tatlumpung araw na lang kaarawan ko na.

Tatlong daan animnapu't apat na araw at limang taon pa ang termino ng bagong halal nating pangulo.

Marami pang maaaring mangyari. Sobrang dami pa.

Kaysa mabalot ng pangamba, ma-excite ka nalang. Kasi ako, nagpapakasabik din para sa mga maaaring mangyari sa mga darating na araw.