Sunday, March 25, 2007

Malapit na ang Katapusan

Isa akong Kriminal


 

Grabe, patapos na ang semestreng ito. Ang dami pang kailangang gawin. Marami namang magagandang nangyari sa akin. Una, hindi ako na-hospital ngayong semester. Yehesss… Buti naman at naging mailap na ang mga dengue-carrier mosquitoes sa akin. Sana magpatuloy ito. At marami pang iba. Naalala ko nung nakaraang Huwebes, eto yung dapat na isusulat ko eh:

Habang nagmamadali ako papunta sa aking unang klase, hindi ko sinasadyang nakagawa ako ng isang krimen. Sa sobrang taas-noo akong naglalakad, bigla na lang may lumagatok. Yun na. Isang walang kamuwang-muwang na butiki ang nakahandusay sa sahig. Duguan at hindi na gumagalaw. Patay. Hanggang ngayon, inuusig pa rin ako ng aking konsensya. Kung ipis pa, ayos lang kasi nakakaperwisyo pero butiki. Maling mali ko yun eh. Isipin nyo, nawalan na siya ng pagkakataong gumawa ng isang kakaibang tunog kapag may paparating na bisita sa bahay at hindi na rin siya nakakain pa ng marami pang lamok.

Siyempre, ikinumpisal ko ito sa mga blockmates ko at pati na rin kay John Lloyd. Sabi pa nga niya, "ang mga butiki ay malapit sa Diyos." Haha. Benta talaga sa akin yun.

Pagkatapos kong mabasa nang maraming beses ang aking nakaraang entry, napansin ko talagang ibang iba iyon sa mga karaniwan kong isinusulat pero sa paglalabas ko ng saloobin, naramdaman ko ang pagiging ako nung mga nakasulat. Oo, mukhang naging masaya naman ang araw na ito kahit may isang malaking sablay na nangyari. Naiinis pa rin ako sa sarili ko kasi eto na naman ako sa mga nangyayari. Gulong gulo na ako. Nang sobra. Suicide na ito. Hahaha…

Basta, nag-enjoy naman ako ngayong araw na ito. Promise.

Thursday, March 22, 2007

Pagtakas


Pagtakas

Ngayong araw na ito, inis na inis ako sa sarili ko. Kung meron mang hindi alam ang mga taong ugali ko na hindi maganda( o hindi lang nila inaaming napapansin nila at hindi sinasabi sa akin) ay ang nakasanayan kong pagtakas. May ugali akong tumakas. Madaling tumayo mula sa pagkakadapa at tumawa sabay hirit ng "kaya nyo yun?" Pero ang mahirap sa pagkakadapa ay ang makalimot. Mahirap makalimot lalo na kapag nag-iwan pa ito ng sugat. Dahil sa hindi ako madaling makalimot, tumatakas na lang ako. Kaya siguro ang dami kong mga kabaliwang naiisip.

Ngayong araw na ito, nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-isip tungkol sa mga iniisip ko. Ano na bang klaseng tao ako? May maganda pa bang nangyayari sa buhay ko? Kapag sawang sawa na ako sa nangyayari sa buhay ko dahil sa mga problema o hindi kaya dahil wala lang nangyayaring interesante, nabubuhay ang aking imahinasyon. Naiisip kong maglayas na lang o hindi kaya magpakamatay. Ang brutal ko noh? Marahil nabababawan ka na sa akin pero walang pakialamanan. Mukha naman akong hindi seryoso dahil sa buhay pa ako hanggang ngayon. Kung maglalayas ako, pupunta ako sa mga lugar na walang nakakakilala sa akin. Hindi ako magpapakilalang ako. Hindi ko sasabihin kung saan ako galing, ano ang edad ko at kung anu-ano pang magpapaalala sa akin ng aking nakaraan. Iibahin ko ang aking pangalan para walang makakikilala talaga sa akin.Magta-trabaho ako at mag-aaral. Malamang, matataas yung makukuha kong marka kasi college na nga ako ngayon eh. Kukunin ko yung kursong gustong gusto ko (na wala sa AdMU) at magtuturo pagkatapos nito. Haha. Bigla kong naisip si Ibarra aka Simoun. Kung magpapakamatay naman ako, ayoko nung may pagtagas ng dugo o mag-iiwan ng bakas(e.g. laslas o bitay). Siguro, overdose na lang. Kaya kapag sinugod ako sa hospital dahil sa paglalaslas, gusto ko lang magpapansin at ayaw ko talagang magpakamatay.

Ngayong araw na ito, kung tutuusin ay puwede kong gawin yung mga iniisip ko dahil wala namang makapipigil sa akin. Pero,pinipili kong manatili sa buhay kong ito kahit na may mga problema akong kinahaharap (o tinatakasan.) Araw-araw ay dumarating ako sa punto ng pagdedesisyon kung anong oras ako uuwi pero hindi ko naiisip na sa pagpili kong ito winawaksi ko na ang pagpili sa hindi pag-uwi talaga. Araw-araw nakukumbinse ko ang aking mga paang maglakad patungo sa trike stop pauwi sa aming bahay. Ay, hindi pala araw-araw, gabi-gabi pala dahil eto yung oras ng uwi ko. Ginagawa ko ito nang buong pagkukusa.

Ngayong araw na ito, naisip kong nag-iisa talaga ako. Marami-rami rin naman ang aking mga kaibigan at nag-uusap naman kami ng mga kamag-anak ko. Oo, wala akong boyfriend pero hindi iyon ang tinutukoy ko. Nag-iisa ako at sa pag-iisa kong ito sinasarili ko ang lahat. Madaldal at makuwento akong tao. Masayahin na rin. Kaya lang, hindi lang iyon ako. Marami akong mga lihim na wala talagang nakakaalam. Marami akong kinikimkim. Marami talaga.

Ngayong araw na ito, napagtanto kong may mga taong araw-araw kong kausap at kasama. Literal, malapit sila sa akin pero hindi naman talaga. Parang isang malaking gamitan lang ang lahat. Sa pag-iisa kong ito hindi ko kayang mabuhay ng mag-isa. Dahil dyan, naalala kong naiinis ako sa sarili ko. Hindi lang inis ha? Inis na inis.

Ngayong araw na ito, gusto kong ayusin na ang buhay ko. Ilang beses ko nang sinabi na itutuwid ko ang sablay kong buhay. Ilang beses na akong gumawa ng mga konkretong pagpaplano. Wala. Olats pa rin ako. Ang dami ko pa ring mga chorva sa buhay. Ang dami kong galit na kinikimkim. Ang dami kong katanungang nakabimbin masagutan atbp.

Ngayong araw na ito at sa mga susunod pa, gusto ko munang mabuhay mag-isa. Gusto ko munang ako lang muna. Walang sila. Walang kami. Ako lang. Nag-iisa pero Masaya. Kapag nangyari siguro ito, hindi ko na kailangang tumakas nang tumakas pa…

Oo, totoong napakalungkot ng buhay ko. Hindi lang halata.

Wednesday, March 21, 2007

Subok lang naman

Ang astig ng bagong ms office 2007. Grabe lang ha. Puwede na akong gumawa ng entry basta kasama ko lang lagi ang aking mahal na laftof. Ehehe. Bali eto, testing lang.

Takot pa?!

Takot pa?!
Songs for the week:

Mahilig akong makinig ng musika pero kaya ko namang hindi makinig nang madalas. Hindi rin ako gaanong mapili sa mga genre. Nasasakyan ko naman halos lahat ng trip nila (maliban na lamang sa cueshe at hale).

Ngayong mga nagdaang araw, talagang tumatalon ang puso ko sa tuwa kapag naririnig ko ang beer ng itchyworms na pinatutugtog. Medyo kantang-sawi ito at hindi talaga ako nakaka-relate sa sinasabi nung kanta pero grabeng ganda ng himig nito. Ang galing galing talaga.

Isa pang kantang nagpapaulit-ulit sa isip ko ngayon ay yung Paper Roses ni Marie Osmond na ni-revive ni Jolina Magdangal. Haha. Jologs ba? Pero in fairness kay Jolina, isa siya sa mga artistang bumuo ng kanyang sariling kultura. Hindi siya takot subukin ang iba’t ibang bagay mula sa pananamit hanggang sa pag-aayos ng buhok. Sa kabila ng mga katopakan niya, tanggap pa rin siya ng industriya at ng kanyang milyon-milyong tagahanga.

Bakit nga naman Paper Roses? Sabi kasi sa kanta, “I realized the way your eyes deceived me with tender look that I mistook for love.” Ang kulit lang kasi sabi sa kasabihan, Ang iyong mga mata ay mga bintana tungo sa iyong kaluluwa. Sabi pa nga, hindi nakapagsisinungaling ang mga mata. So, kalokohan ang Paper Roses? Ang gulo.

Batay sa aking karanasan, madaling mahuli ang isang tao kung nagsisinungaling ba siya o hindi kapag tiningnan mo sa mata. Sa kanta kasi sa pamamagitan ng mga tingin, gusto niyang malaman kung mahal siya o hindi. Ang hirap nun kasi hindi naman magkasalungat na bagay ang mahal at hindi mahal gaya ng sa pagkakasalungat ng pagsisinungaling at pagiging matapat. Ang hirap malaman ang kaibahan ng tingin ng pananabik sa kaibigan at pagmamahal sa kanyang higit pa sa nibel ng pagkakaibigan.

Hipokrita ako kung sasabihin kong hindi ako takot na masaktan. Takot na takot ako sa totoo lang. Madalas yung takot ko ay natatabunan ng kagustuhan ko sa mga karanasan. Ngayong umaasa ako, sa kantang ito pinaalaala sa akin yung mga pagdududang dapat aking isinasaalang-alang at paglalagay muli sa aking sarili sa dapat ko talagang kalagyan.

Isa pang kantang naaalala ko ngayon ay yung kanta ni Diana Ross na Today than Yesterday yata. Yung may lyrics na, “I love you more today that yesterday but not as much as tomorrow.” Ewan ko ba.
Eto pa...
Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko maintindihan talaga. Damang dama ko ang bawat pagtibok ng puso ko. Kasabay nito’y hindi ko na rin mahintay ang bukas, nagbabakasakaling makita kita ulit. Kahit sulyap lang, solve na ako.
Nasasaktan ako kapag may mga panahong nagbabanggit ka ng mga chorva mo sa iba. Nasasaktan ako kapag ang layo-layo mong maghanap. Nasasaktan ako kapag hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari sa buhay mo.Basta, nasasaktan ako. Alam kong wala akong karapatang masaktan. Alam kong hindi mo rin naman sinasadyang masaktan ako.
Kahit naman ganun, gigising pa rin ako kinabukasang ikaw ay sa mga dahilan kung bakit gusto kong mabuhay pa ng isa pang araw… at mauulit ito nang mauulit hanggang hindi ko na namalayang buwan na pala ang nakalipas. Oh well. Mukhang nao-overfantacized na naman kita. Kasi ikaw eh.

*iniiwasan ko pa naman ang mga ganitong klaseng entry pero kung mababasa mo ito, puwede ba kitang yakapin nang mahigpit? Miss na kita. J

Tuesday, March 13, 2007

lapatan patnugot na ako!

Official na!
Ako na ang Patnugot ng Lapatan
sa Taong Pang-akademiko ’07-’08 ng Matanglawin

Grabeng responsibilidad ito. Grabe yung saya ko kaya lang higit na nangingibabaw ang aking takot sa ngayon. Hindi ko lubusang gamay ang adobe indesign pero marami akong naiisip na nakababaliw na mga ideya. Kaya lang, halimaw sa galing ang mga sinundan kong patnugot ng lapatan. Nakatatakot pero hindi yun talaga ang gusto kong isulat.

Naisip ko ang sama-sama ko sa isa sa mga miyembro ng nakaraang Edboard (at bahagi pa rin siya ng incoming EB). Ang kapal ng mukha ko nang sabihin kong hindi ko nakikita sa kanya ang pagkamulat. Sino ako para sabihan siya ng ganun? Mulat ba ako? Sampal sa akin nang siya ang makakuha ng mataas na marka sa napakahirap na pagsusulit na aming kinuha.

Kanina, hindi niya nakuha ang inaasam niyang posisyon (o marahil, iniisip ko lang siguro yun). Nakita ko siya, umiiyak. Naawa ako sa kanya. Ramdam ko yung pagmamahal niya para sa organisasyon, higit pa sa pagmamahal na kaya kong ibigay dahil na rin sa dami kong pinagkakaabalahan.

Pero higit sa awa, hindi ko maiwasang mapag-isip at mapatanong sa kanyang naging reaksyon. Kung tutuusin, nakita ko ang kanyang pagpupursiging magawa nang maayos ang kanyang mga gawain. (Yun nga lamang, pumipili siya ng paglalaanan ng panahon, oras at atensyon. Ang masaklap nga lamang dito, eto yung mga bagay na hindi naman dapat pinag-uukulan ng panahon nang sobra.)
Biruin mo, siya ang pinakamataas.Ang galing noh?Astig talaga. Pero hindi lamang din doon nasusukat ang kagalingan bilang isang pinuno. Mas madaling magkabisa ng libu-libong termino at konsepto kay sa matutong makisama sa lahat ng uri ng tao.

Alam kong masamang maghusga pero kung eto ang sinasabi niyang pagbibigay nang tapat na paglilingkod, wala itong pinagkaiba sa mga paglilingkod na ibinibigay ng mga babaeng nagbebenta ng panandaliang-aliw. Isang pagpuputa. (Salamat, Sir Jope sa termino.) Isang serbisyong may kapalit. Gamitan.

Kung ang pagtataya mo ay nangangahulugan ng pag-aasam sa mas mataas na posisyon at kung ang paglilingkod mo ay may kaakibat na pansariling intensyon, walang kuwenta yun.
Gaya ito ng pagmamahal. Kung nagmamahal ka dahil balang araw inaasam mong maging kayo o magkaroon kayo ng romantikong relasyon, sarilihin mo na lang yang pagmamahal mo. Kung tanging yan ang bumubuhay sa iyong pagmamahal, isang makasariling pagmamahal yan. Hindi ka handang mabigo. Hindi ka handang magparaya.Isang inaakala mong pagmamahal na ang sentro naman ay ikaw.

Pero kung nagmamahal ka dahil umaasa ka, pagpatuloy mo. Sa pag-asa, kaakibat na nito ang paggawa ng lahat ng iyong makakaya—lahat ng iniisip mong kayang gawin upang makamit ang iyong inaasam—habang iniisip rin na maaari kang mabigo. Iyon ang pagmamahal.

Alam ko maraming malalabuan sa hindi malinaw na pagkakaiba ng pag-asam at pag-asa. Kahit nagdagdagan lang ng 'm' yung isa, malaki ang kanilang pagkakaiba. malaki talaga. swear.
Kumusta naman ang paggamit ko sa saloobin ko ukol sa aking org. mate para maipunto ang nais kong sabihin tungkol sa pagmamahal.

Sunday, March 11, 2007

Shakey's with blockmates

Shakey’s kasama ang blockmates

Gusto kong sumulat ng mga saloobin ko ukol sa mga organisasyon ko sa pamantasan pero hindi pa ako handa. Saka na lamang… Ngayon, kukuwento ko muna yung mga saloobin ko ukol sa mga nangyari kahapon.

Nagkaroon ng Plenary: ang pagpapatuloy. Biyaya talaga ang pagdating nila Ate Kams, Ate Cla at Kuya Bel. Mas naging malinaw ang lahat lahat sa akin. Ngayon, nakikita kong mas may patutunguhan kami.

Pagkatapos nun, pinuntahan ko sa may Faura yung mga blockmates ko. Nag-volunteer kasi silang mag-usher sa Open house ng ECCE department. Ang active nga nila eh. Haha. Dahil sa pagod nila, napagkasunduan na lang naming huwag nang manood ng 300. Actually, gusto ko talaga. Antagal ko na kasi silang hindi nakakasamang lumabas ero hindi ko na rin pinilit. Kaya, kumain na lang kami sa Shakey’s.

Eh di yun na. Sasabay kami dapat sa kotse ni Daniel o ni Don pero ewan ko ba at pinagkaisahan nila kami ni Daniel para ako lang ang sumabay sa kanya. Sobrang nahihiya nga ako sa kanya eh. Sira talaga yung mga yun. Eto pa, akala ko matagal nang lumabas ng school yung ibang Gabayano pero hindi pa pala. So, nakita nila akong kasama ni Daniel. Eh naalala ko pa namang hiniritan ako ni Rb ng “may lakad ba kayo (ni Tim)?” at ang sabi ko pa naman, “Ako meron. Pero hindi siya ang kasama.”

Sana paranoid lang ako.

Sayang at ang onti lang namin. Sayang talaga. (nagpaparinig kay David at umaasang maririnig niya. Haha. Asa ako!)

Saturday, March 10, 2007

Pagod

Pagod

Umuwi ako kaninang tulala. Dala na siguro ng pagod.

pagod sa pagiging makapal ang mukha para maghost sa Last Soaree na sana ay nabigyan ko naman ng karampatang hustisya. Sayang, spontaneous at hindi kami close ng co-host ko. Ang hirap humirit..

pagod sa kakauwi ng malayo. hay, sana walking distance lang from school yung bahay namin. Ang alanganin kasi. Medyo malayo kapag nagko-commute ka at malapit naman masyado para magdorm ka pa...

pagod kanina pagkatapos magka-chorvahan sa Shakey's after nung event. Ang daming kuwento ni Rb. Haha. Grabe, andamin niyang sinasabi. May sense naman yung mga sinasabi nya, in fairness. at nakapapagod makinig kapag tinatamaan sa mga sinasabi sya.

pagod kakatakas sa kaguluhang nararamdaman ko at kakaungkat ng mga tao sa kaguluhang ito. Masaya na ako sa kalagayan ko, nung una. Ayos na sa akin yung estado ko. Kaya lang bakit yung ibang tao, hindi sila okay dun. Ayaw nilang makuntento ako dun. Nabababawan sila. Eh hanggang dun lamang ang kaya ng isip at puso ko. Yun lang ang kaya ko.

pagod na ako. gusto ko nang magpahinga.

Thursday, March 08, 2007

CoE Mode

CoE Mode

Simulan natin sa nararamdaman ko, parang ayaw ko na. Hindi dahil sa nawawalan ako ng pag-asa o naiinis ako sa kanya. Abot hanggang Mt. Everest ang pagkagusto ko sa kanya. Mahirap pigilin ang damdaming matagal mo nang hindi pinapansin. Paano pa kaya ang patayin ito hindi ba?

Ayaw ko na, kasi bawat araw binibigyan niya ako ng dahilan para magustuhan ko pa siya lalo. Haha. Ang labo ko talaga. Nakakainis. Naiisip ko, baka nao-overfantacize ko lamang siya. Sabi nga ni Johnlloyd, “Ang daldal mo kasi eh.” Kakakuwento ko siguro sa mga tao tungkol sa kanya at mga karanasan naming dalawa. [Kung may “namin” nga.] Hayness. My stupid mouth. And heart.

Pero for the last time, hayaan nyong ilabas ko ang kadaldalan ko ngayon sa entry na ito:

Ngayong araw na ito, mahigit tatlong oras kong nakausap si David (at mga blockmates kong iba. But, they are just beside the point.) Nakatutuwa talaga siya. Yung ngiti nya. Yung accent niya. Yung mga kuwento niya. Yung buong siya, nakatutuwa.

Naka-strike three siya sa akin ngayong araw na ito.

Unang strike:
David: (to Omar) when is your birthday?
Omar: Secret. I won’t tell you.
Ako: David, do you want to know when my birthday is?
David: I’m not interested

Sapul na sapul. Strikes two at three, hindi ko na maalala basta ganun din kasakit. Haha. Actually, ganun lang siya maglambing. Kapag naging typical sweet guy siya, hindi na siya yun. Dahil sa katangian niyang yan, mahal na mahal ko siya. Haha

Pagkatapos ng bonding session este lab namin, nakipagkita ang ilang concerned blockmates namin kay Zent Lim, isa sa EB ng AECES. Siyempre usapan ito tungkol sa issue ng mga CoE sa AECES. Okay naman yung naging usapan. After nun, usap-usap ulit kami ng mga blockmates ko. Namimiss ko na pala ang mga blockmates ko.

Aktibo ako sa iba’t ibang organisasyon sa loob ng pamantasan. Maraming beses ang mga org. mates ko ang nagiging kasama ko sa mga libreng oras ko at tuwing org. period. Maaga pa lamang napalayo na ako sa aking mga blockmates.

Factor na rin siguro ang pagiging nag-iisa kong babae sa mga CoE. Hindi ako gaanong marunong magDoTA. Hindi ko rin naman nagustuhan nang mag-aral akong mag-magic cards. Malamang, hindi ako puwedeng makipagsabayan sa kanila sa basketball. CoE world is definitely a man’s world. Sinusumpa ko sa biak-na-bato sa San Miguel, Bulacan, sa harap nila Aguinaldo at mga guwardiya-sibil na humahabol sa kanila, sinubok kong pag-aralan ang lahat ng ito pero wala talaga.
Punta naman tayo sa mga iniisip ko, marami eh. At hindi ko na alam kung sapat pa ba para pag-usapan ang bawat isyu ko sa buhay: Acads, Orgs at Mga iniisip ko ukol dito…

Wednesday, March 07, 2007

Gulung gulo

Mula sa Anino Mo:
Ang bawat lingon mo sa buhay
di mo malaman, di mo makita
Ang bawat buhay na makulay
Ako'y nagtataka biglang nawawala.

Shucks. Lumalayo ako sa iyo...

Lahat na ba ng pagkamanhid na isinabog ng Diyos sa mundo ay sinalo mo nang lahat?
Baka masyado ka lang sanay na nandito ako sa tabi mo...
na kapag umiyak ka, aaluin kita.
na kapag naiinis ka, nagdito ako para hingan mo ng sama ng loob.
na kapag sinabihan mong mahal kita, walang atubiling sasagot ako ng mahal din kita at iikot na ang mundo ko sa'yo..

Paano kong lumayo ako sa'yo? Makakaya mo ba? Sabihin mo lang na hindi. Hindi talaga ako aalis sa tabi mo. Promise.

Tuesday, March 06, 2007

Social Climbers, sunugin sa impiyerno!!

Social Climbers, sunugin sa impiyerno!!


Disclaimer: Random thoughts ko ito habang nagngingitngit sa galit. Posibleng pagkalipas ng mga ilang araw ng pagmumuni-muni at pagtitimbang ng mga bagay, hindi na ito ang mga iniisip ko. Enjoy. What a good way to start my March entry.

Kumukulo talaga ang dugo ko ngayon. Palagay ko nga anemic na ako dahil sa nag-evaporate na ang dugo ko eh. Alam ko masama itong naiisip ko. Naiinis ako sa mga taong nagpapanggap na mga sosyal at mga coño.

Nakakairita yung mga taong kinukumbinse nila ang sarili nila na mga sosyal sila. For your information, nagmumukha kang clown kapag naglalagay ka ng blush on dahil hindi bagay yun sa balat mo! At lalong hindi bagay ang magspaghetti strap ka dahil hindi ka flawless!

Bakit naaatim mong gumawa ng mga masasamang bagay para lamang masabing sosyal ka? Naiinis ako sa iyo. Gusto ko kitang sabunutan. Gusto kitang sampalin nang sampalin hanggang maisip mong lumalayo ka nang lumalayo sa kung paano ka naming nakilala—isang malambing at maaasahang kaibigan. May mga oras na sinasabi mong namimiss mo na ang mga dating kami. Gumising ka! Ikaw ang nagbago! Ikaw ang lumayo sa amin. Ikaw ang lumayo sa sarili mo.

Sa lahat ng mga ginawa mong pangyuyurak sa sarili mo, ang pinakamasakit doon ay pilit kang nagbubulag-bulagang nagkamali ka! Bakit hindi mo maamin sa sarili mong nagkamali? Bakit hindi mo pinagsisisihan ang mga nangyari? Nahihiya ka ba? Dapat lang. Mahiya ka.

Marami akong kakilala at mangingilan-ngilang kaibigang sosyal. Sa akin, ayos lamang yun dahil minahal ko silang ganun. Pero may mga taong dalawang mukha ang pinakikita sa iyo. Mukhang parehas na mapagpanggap.

Sabihin mo nga sa akin kung paano mo tutuligsain ang mapanupil na mga kapitalista kung kating kati kang magkaroon ng sampu pang pares ng havaianas sa koleksyon mo? Nakikisigaw ka ng katarungan para sa mga naaapi pero wala na akong ibang narinig sa iyo kung hindi “excuse me guyz meron bang gustong magcoffee sa inyo? Sa Starbucks ha? Ayoko kasi ng frap sa Figaro eh.” Huwaaaaaaat?! Naririnig mo ba ang sarili mo.

Nakakainis pa nito nanghahawa kayo eh wala pa namang gamot sa mga social climbers. Mas pabor pang umalis kayo at gumawa ng sariling mundo kaysa manatili at manira ng buhay ng iba.

Kung iniisip mong ikaw yang binabanggit ko, just go to hell.